Pandarahas sa mga manggagawa ng Pepmaco, kinundena ng Karapatan

Mariing kinukundena ng Karapatan ang tahasang paglabag sa karapatan ng mga manggagawa ng Peerless Products Manufacturing Corporation (Pepmaco) sa Laguna.

Ang Pepmaco ang gumagawa ng mga sabong panlaba kagaya ng Champion at Calla, Systema toothpaste at Hana shampoo.

Noong Hunyo 28, 2019, bandang ala-una ng umaga, nagulantang ang may nasa dalawang daang (200) manggagawang nagpapahinga sa piketlayn na itinayo ng unyon nang pinaghahampas sila ng baton at binomba ng tubig ng mga armado at nakamaskarang kalalakihan na lulan ng dalawang van. Bukod dito, pinagbabato pa ng naglalakihang tipak ng bato ang mga manggagawa.

Nakapagtala ng di bababa sa labing-isang (11) manggagawa ang nasugatan at isinugod sa ospital. Winasak rin ang nasabing piketlayn, gayundin ang inimbak na pagkain at mga personal na gamit ng mga manggagawa.

Simula noong Hunyo 24, itinayo ang piketlayn ng may nasa dalawang daang (200) manggagawa ng nasabing pabrika sa Laguna bitbit ang kanilang mga lehitimong panawagan laban sa masahol na kalagayan sa paggawa, mababang pasahod, kawalan ng benepisyo, kontraktwalisasyon at malawakang tanggalan, at union-busting. Sa kasalukuyan, nasa PHP 378 ang minimum na sahod ng mga manggagawa kada araw sa Pepmaco, sa kabila ng labindalawang (12) na oras na trabaho at walang day-off. Bukod rito, karamihan sa kanila ay kontraktwal, at madalas ay lantad sa mga nakakalasong kemikal habang nagtatrabaho.

“Ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga manggagawa sa Pepmaco ay pasilip lang sa tunay na kalagayan ng kalakhan ng mga manggagawa sa buong bansa. Habang nalululong si Duterte sa kapangyarihan at pagpapakatuta sa US at Tsina, patuloy namang hinaharap ng mga manggagawa ang patuloy na suliranin sa kontraktwalisasyon, mababang pasahod, di makatarungang kalagayan sa loob ng mga pagawaan, kawalan ng benepisyo, at iba pang paglabag sa kanilang karapatang sibil at ekonomiko sa ilalim ng mga negosyanteng ganid sa tubo,” ani Roneo Clamor, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

“Marapat lang na panagutin ang pamunuan ng Pepmaco, lalo’t higit ang may-ari nitong si Simeon Tiu, sa sinapit ng mga manggagawang nagigiit ng kanilang mga lehitimong karapatan at karaingan.  Gayundin, dapat ring panagutin ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa kanilang kawalang aksyon hinggil sa kalunos-lunos na kalagayan,” pagwawakas ni Clamor.

 

You may also want to visit:

Desaparecidos

Selda 

free all political prisoners