Pahayag ng 47 na bilanggong pulitikal sa New Bilibid Prisons hinggil sa SONA ni Marcos Jr.

Lubos kaming sumusuporta sa mga kilos protesta na inilulunsad ng mamayan sa buong bansa laban sa SONA ni Marcos Jr. Sa boses ng taumbayan maririnig ang tunay na kalagayan ng bansa at hindi mula sa magarbo at mapanlinlang na SONA ng elitistang pamahalaan.

Karapatan ng taumbayan na maningil sa mga pangako ni Marcos Jr. na iaahon sa hirap ang ating bansa at iaangat ang kalidad ng pamumuhay lalo na sa nakakaraming mahihirap na mamayang Pilipino.

Subalit sa loob ng dalawang taong panunungkulan ni Marcos Jr, lalong lumala ang sitwasyon ng bansa lalo na sa ekonomiya, inhustisya at paglabag sa karapatang pantao.

Mas masahol pa kaysa sa nakaraan ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo, patuloy na paglobo ng utang ng gubyerno at depisit sa kalakalan, lumalalang kawalan ng trabaho, kakulangan ng suporta sa uring magsasaka, pambubusabos sa uring manggagawa, samantalang tuloy-tuloy naman ang pagkamal ng yaman ng iilang naghaharing uri.

Ang patuloy na pagdami ng mga bilanggong pulitikal ay ilan sa patunay na tumitindi ang inhustisya at paglabag sa karapatang pantao. Umaabot na sa 755 ang mga bilanggong pulitikal sa bansa at 103 nito ay inaresto at ikinulong ng administrasyong Marcos Jr.

Sa pangunguna ng AFP, PNP, at NTF-ELCAC at sa pamamagitan ng Anti-Terrorism Law, Terrorism Financing Prevention and Suppression Act at iba pang pasistang kautusan, wala silang habas sa “red tagging”, pag-aresto at pagkulong sa mga mamamayang naghahangad lamang ng tunay na reporma sa gubyerno at lipunan.

Ang inhustisya at paglabag sa karapatang pantao ay matinding dinaranas ng mga bilanggong pulitikal. Dinakip sila at ikinulong base sa gawa-gawang kaso. Naging patakaran na ng estado ang kriminalisasyon sa mga kasong pulitikal upang mapadali ang litigasyon ng mga kaso at maikubli na may gera sibil na nagaganap sa Pilipinas. Mabibigat na parusa ang ipinapataw sa kanila. Dito sa New Bilbid Prisons (NBP), higit 95 porsyento ay may sentensyang “reclusion perpetua” o life sentence. Usad-pagong ang proseso ng pagpapalaya kahit served sentence’ atover staying’ na ang bilanggo at kahit kwalipikado na para sa commutation’ ng sentensya,pardon’ at `parole’.

Manhid ang estado sa pagpapalaya sa mga matatanda, maysakit at matagal na sa pangungulungan base sa makataong konsiderasyon. Dagdag pa sa pagtindi ng paglabag sa karapatang pantao ang `overcongestion’ ng mga kulungan, arbitraryong pagpapataw ng hindi kinakailangang paghihigpit, at kakulangan ng sapat na serbisyo sa rasyon ng pagkain, hospitalisasyon, gamot, dental, beddings at iba pa.

Sinisingil namin kay Marcos Jr. ang ipinapangalandakan niyang bigyan ng `compassionate justice’ ang mga bilanggo. Nananawagan kami na palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal sa bansa at ipursige ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.