Kaming mga bilanggong pulitikal ng MMDJ Annex 4 sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ay kalahok sa protest fasting ng mga bilanggong pulitikal sa mga piitan sa buong bansa sa araw ng State of the Nation Address ng Pangulo ng Pilipinas ngayong Hulyo 22.
Sa protestang ito, nais naming ilantad at tutulan ang lumulubhang kalagayan na dinaranas ng mga bilanggong pulitikal.
Una sa lahat, sobra ang pagsisikip sa mga piitan dahil sa napakaraming bilang ng mga nabibiktima ng walang kabuluhang giyera kontra-droga at isang bulok na sistemang pangkatarungan. Ang congestion rate ay umaabot ng 321% sa mga kulungan ng Bureau of Corrections at 358% sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Hindi sapat ang kantidad at mababa ang kalidad ng mga pagkaing inirarasyon sa mga bilanggo na pinalulubha pa ng mga paghihigpit sa mga pagkaing dala ng mga kamag-anak at mga kaibigan na bumibisita sa kanila. Hindi sapat at hindi malinis ang tubig na inumin at panlinis. Hindi nakapagtatakang maraming bilanggo ang nagkakasakit at namamatay na hindi nagagamot sa mga piitan at mahirap madala sa mga ospital.
Nahaharap din ang mga bilanggong pulitikal sa patakaran na pisikal na paghiwalay sa kanila sa karamihan ng mga bilanggo at pagbabawal na kausapin sila ng ibang bilanggo. Nagpapalala ito sa kanilang pagiging bulnerable at di makataong pagtrato.
Nagtatagal sa piitan ang mga bilanggong pulitikal dahil sinampahan sila ng mga gawa-gawang kasong kriminal tulad ng murder at illegal possession of explosives na hindi maaari ang pagpiyansa para sa pansamantalang paglaya nila. Pinalala ito ng sadyang pagpapabagal sa takbo ng pagdinig sa kanilang mga kaso sa korte. Isang malaking kawalang hustisya na may mga bilanggong pulitikal na nasa piitan nang pito hanggang sampung taon na ngunit hindi pa rin natatapos ang kanilang kaso sa korte. Kung mapawawalang sala man, ang kanilang mahabang pagkakapiit ay isang sentensya na rin.
Pinakamalubhang parusa para sa mga bilanggong pulitikal ay mahatulan silang maysala sa mga gawa-gawang kasong kriminal na iniharap sa kanila. Patuloy na nadaragdagan ang mga convicted at ngayo’y napipiit sa New Bilibid Prisons at ibang kulungan ng Bureau of Corrections na umabot na sa 103. Kabilang dito ang mag-asawang Frank Fernandez at Cleofe Fernandez.
Paulit-ulit na tinanggihan ng mga korte ang mga motion para sa pagpapalaya batay sa makataong dahilan sa mga bilanggong pulitikal na may terminal na mga sakit. Ang kasama naming detenido na si Jude Rimando ay nakaratay ngayon sa Philippine General Hospital dahil sa advanced stage liver cancer. Subali’t hanggang ngayon ay hindi pa inaaksyunan ng isang regional trial court sa Bohol ang kanyang motion for release on recognizance or bail. Kabaliktaran nito ang mabilis na pagpapalaya batay sa makataong dahilan kay dating Senator Enrile.
Hindi rin ligtas ang mga bilanggong pulitikal sa Anti-Terrorism Act of 2020 kahit pa nakakulong na sila nang pagtibayin ito. Kahit nakakulong na sina Vicente Ladlad at Adelberto Silva noon pang 2018, idineklara sila ng Anti-Terror Council na “designated terrorist.”
Mahigpit na tinututulan namin ang pagpayag ng gobyernong Marcos Jr. na tuwirang makialam ang gobyernong US sa pangangasiwa sa mga bilanggong pulitikal. Noong Oktubre 18, 2024, ang Bureau of Corrections at BJMP ay pumasok sa isang kasunduan sa International Criminal Investigative Training Assistance Program (ICITAP) ng US Department of Justice at United Nations Office on Drug and Crimes (UNODC) para sa pagtutulungan sa pangangasiwa sa tinawag nilang “violent extremist offenders” na ang talagang tinutukoy ay ang mga inakusahan nilang mga rebeldeng Komunista at Muslim sa mga piitan. Plano ng ICITAP at UNODC na ipatupad ang programa nilang “preventing and countering violent extremism in jails.” Batay dito, nahaharap ang mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas sa mas mahirap na kalagayan.
Kaya sa protestang ito, nananawagan kami –
Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!
Kagyat na palayain ang mga bilanggong pulitikal na matatanda na at may mga malulubhang sakit tulad ni Jude Rimando!
Ipawalang bisa ang Anti-Terrorism Act!
Itigil ang tuwirang pakikialam ng US sa pangangasiwa sa mga bilanggong pulitikal!