JOINT STATEMENT nila Jonila Castro & Jhed Tamano

Dear friends,

We are sharing with you this joint statement of young environmental activists Jonila Castro and Jhed Tamano on the recent resolution of the Department of Justice regarding the perjury complaint against them by 70th Infantry Battalion commander Lt. Col. Ronnel dela Cruz. Karapatan will be sending our statement regarding the resolution within the day.

For questions, please contact us through +63918-9790580.

Karapatan Public Information Desk

JOINT STATEMENT nila Jonila Castro & Jhed Tamano

Nakakadismaya ang malinaw na pagpanig ng Department of Justice sa tinahi-tahing kwento ng AFP at NTF-ELCAC sa inilabas nitong resolusyon sa kasong Perjury na isinampa sa amin ng Battalion Commander ng 70th IB, Lt. Col. Ronnel Dela Cruz.

Dinismiss ng DOJ ang perjury, sa batayan na hindi sila naniniwalang “under duress” kami nang gawin ang “Sinumpaang Salaysay” sa loob ng kampo ng militar. Sa halip ay Grave Oral Defamation naman daw ang dapat na ikaso sa amin, bilang tugon sa paglalantad namin ng katotohanan sa presscon ng NTF-ELCAC.

Isinantabi ni Prosecutor Arnold Magpantay na kami ay dinukot ng mga militar, dinala sa mga safehouse, at isinailalim sa psychological torture para piliting sakyan ang kwentong binuo ng ahente ng NTF-ELCAC. Itinuring niya ang banta sa aming buhay bilang pawang “imahinasyon” lamang. Ang intensyon namin na paglalantad ng katotohanan ay pinalabas na nagmula sa isang “deep-rooted motive” na siraan at ipahiya ang AFP.

Pinatunayan ng desisyong ito na tama ang pagkwestyon namin sa kakayahan ng DOJ na maging patas sa imbestigasyon, dahil una pa lang ay nagbigay na ng malisyosong pahayag si DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na ang aming ginawa ay parte lang ng “CPP-NPA’s new playbook”.

Bilang mismong mga biktima na dumanas ng marahas na pandurukot ng militar, pekeng pagpapasurender, at sikolohikal na tortyur, nakakadismaya rin na kung sino ang dapat na hinihingan ng tulong ay nagiging instrumento ng pang-aapi at kasinungalingan. Paulit-ulit nang pinatutunayan ng kasaysayan kung sino ang tunay at sistematikong nagsasamantala, nandurukot, nangtotortyur, at pumapatay. Sinu-sino ba ang may motibo at malaking rekurso para gawin ang mga ito sa mga aktibista at mamamayang lumalaban? Ang kawalan ng hustisya sa lahat ng biktima ng pagdukot, pekeng pagpapasurrender, pagtortyur, at pamamaslang ang pinagmulan ng aming pasya na ipagtanggol ang katotohanan sa tanging pagkakataon na kaharap ang publiko.

Gayunpaman, nananawagan kami sa DOJ na magkaroon ng rekonsiderasyon sa aming kaso. Kami rin ay nananawagan na maglabas na ng aksyon ang Supreme Court sa aming ipinasang petisyon para sa Writ of Amparo at Habeas Data, apat na buwan nang nakalipas. Kasabay nito ay nakikiisa kami sa panawagan na ibasura ang iba pang gawa-gawang kaso sa mga tulad naming aktibista.

Paghamon ang mga ito sa mismong justice system na pumanig sa mga biktima at panagutin ang mga tunay na may sala, ahente man ito ng estado.

Malinaw para sa amin na ang mga kasong ipinataw ay harassment para manira ng moral, manakot sa mga gustong lumaban para sa karapatan, at magpatahimik. Isa lang ito sa maraming porma ng panunupil at paglabag sa ating karapatan sa pagpapahayag ng pagtutol sa mga anti-mamamayang patakaran.

Lalo itong dahilan upang patuloy na makibaka para sa karapatan, hustisya, at kalayaan na makakamit lamang sa ating sama-samang pagkilos para sa pundamental na pagbabago ng lipunan.