Hangga’t walang Hustisya, ang SONA ay mananatiling isang retorika at pantasya!

July 24, 2023 | HUSTISYA

“Hangga’t walang hustisya para sa mga biktima at walang napanagot sa tuloy-tuloy na paglabag sa karapatang pantao, ang ikalawang SONA ni Marcos Jr. ay isa lamang retoriko at pantasya, ito ang pahayag ng Hustisya (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya).

Ngayon, Hulyo 24, 2023, ang ikalawang State of the Nation Adress (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr. Sa kaniyang unang SONA noong nakaraang taon, tahimik, walang pahayag ang anak ng diktador sa kalagayan ng karapatang pantao sa bansa. Tikom ang bibig nito sa panawagan ng hustisya ng mga kaanak ng mga biktima ng mga pampulitikang pagpaslang, sapilitang pagkawala, iligal na pag-aresto, militarisasyon, harassment, pananakot at maging mga bikitma ng red-tagging ng nakaraang rehimen.

Ayon sa report na nakalap ng KARAPATAN, umabot sa 422 ang bilang ng extrajudicial killing sa panahon ng rehimeng Duterte, samanatalang umabot naman sa 574 ang biktima ng frustrated extrajudicial killing. Naitala din ang mga sumusunod na paglabag sa karapatang pantao sa ilalim pa rin ng panunungkulan ni Duterte: enforced disappearance 21; torture 233; physical assault at injury 645; forced evacuation 481,918; at threat/harassment/intimidation 2,890,623.

Ayon kay Pedro Gonzales (Tata Pido), biktima ng frustrated killing sa panahon ng panunungkulan ng pasistang si Gloria Macapagal Arroyo, “hindi masasawata ang mga pagpaslang at iba’t ibang porma ng atake sa mamamayan at pananatili ng kultura ng walang kapananagutan (culture of impunity), hangga’t walang nakakamit na hustisya sa hanay ng malawak na mga biktima ng paglabag sa karapatang tao ng mamamayan sa panahon ng mga dumaang mapanupil na administrasyon.”

Sa datos ng KARAPATAN, nasa 1,206 ang biktima ng extrajudicial killing sa panahon ng 9 na taong pagkakaluklok ng pasistang si GMA. Dagdag dito ang 206 biktima ng sapilitang pagkawala o enforced disappearances, mahigit, 2,000 kaso ng iligal na pag-aresto, daang kaso ng frustrated extrajudicial killings, at libo-libong biktima ng sapilitang paglikas. Maging sa rehimen ni Benigno Aquino Jr. umabot din sa 282 ang biktima ng ejk sa ipinagpatuloy nitong Oplan Bantay Laya na ipinatupad ng rehimeng Arroyo.

“Wala ng ibang may kasalanan pa sa tuloy- tuloy na pagpaslang at walang kapananagutan kundi ang mga nasa-poder, ang mga naluklok sa pwesto. Lahat sila ay nakinabanang sa patuloy na pagkitil sa karapatan ng mamamayan. Kaya hindi katakatakang maluluklok sa pwesto ang anak ng diktador, dahil pinabayaan nila ang mga paglabag, walang nakukulong, walang napaparusahan, walang hustisya! At ngayong may Anti-Terror Law at EO 70, na lumikha sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), lalo pang magtutuloy-tuloy ang mga paglabag at walang kapananagutan,” dagdag ni Evangeline Hernandez, Tagapangulo ng Hustisya.

Sa pagbukas pa lamang ng 2023, ibinasura na ng DOJ ang kasong murder na sinampa ng mga kaanak ni Manny Asuncion laban sa 17 pulis na akusado sa madugong pagpatay sa labor leader. Maging ang kaso ng murder na isinampa ni Rosenda Lemita, ina ni Chai Lemita-Evangelista laban sa pagpaslang kay Chai at asawa nitong si Ariel ay ibinasura din ng DOJ. Sina Manny, Chai at Ariel ay 3 lamang sa 9 na biktima ng pagpaslang sa tinaguriang Bloody Sunday Massacre noong Marso 2021 sa iba’t ibang bahagi ng Timog Katagalugan.

Hindi nagkasaya sa pagkait ng hustisya sa mga pinaslang, tuloy-tuloy at puspusan ang mga atake ng kasalukuyang rehimen laban sa mga human rights defenders at aktibista mula sa Timog Katagalugan. Kamakailan, nagsampa ang 59th IB ng reklamong paglabag sa Anti-Terror Act laban sa 4 na human rights worker mula sa Timog Katagalugan. Sa kasalukuyan, aabot na sa 15 kaso ng di umano’y paglabag sa Anti-Terror Act ang nakasampa laban sa mga aktibista at human rights defenders mula sa nasabing rehiyon. Dagdag dito, nitong buwan lamang ng Hulyo, 4 na development workers at mga aktibista mula sa Cordillera ang tinagurian (designated) bilang terorista ng Anti-Terror Council.

“Sa lahat ng ito, ang hamon sa atin mga biktima at kaanak ng mga biktima ng mga paglabag ay ipagpatuloy ang pangangalampag para sa hustisya dito sa bansa at sa ibayong dagat at papanagutin ang lahat ng mga nagsagawa ng malawakang paglabag. Nakikiisa din tayo sa panawagan ng ng mga biktima at kaanak ng mga biktima ng gera laban sa droga para sa hustisya. Susuportahan din natin ang kanilang laban para sa pagpapanagot sa dating presidente na si Rodrigo Duterte at dating Philippine National Police (PNP) Chief Ronald “Bato” dela Rosa sa balangkas ng imbestigasyong isasagawa ng International Criminal Court (ICC).”

“Kahungkagan ang ‘Bagong Pilipinas’ ng rehimen ni Bongbong Marcos hanggat walang nakakamit na hustisya ang mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao at nanatili ang kultura ng kawalang kapananagutan sa ating bansa.” pagsasara ni Nay Evan.

Makiisa sa SONA ng mamamayan at hindi sa SONA ng pantasya!

Hustisya sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao!