Mariing kinukundena ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng grupong Hustisya (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) ang paggamit ng mga larawan ng dating mamamahayag pangkampus at human rights worker na si Benjaline “Beng” Hernandez sa mga propaganda kontra-komunismo sa mga lungsod ng Davao at Makati kamakailan.
Mariing kinukundena ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng grupong Hustisya (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) ang paggamit ng mga larawan ng dating mamamahayag pangkampus at human rights worker na si Benjaline “Beng” Hernandez sa mga propaganda kontra-komunismo sa mga lungsod ng Davao at Makati kamakailan.
Ayon kay Evangeline Hernandez, ina ni Beng at pambansang pangulo ng nasabing grupo, isang napakalaking kalapastanganan ang paggamit ng pangalan ng kanyang anak sa “pagpapalaganap ng kabulastugan ng kasalukuyang administrasyon para supilin ang lumalawak na pagkilos ng mamamayan para iwaksi ang bulok at pasistang rehimen ni Duterte.”
“Hindi terorista ang aking anak. Halos dalawang dekada na ang lumipas mula nang walang awang paslangin siya at ang mga kanyang mga kasama ng mga pwersa ng militar. Bilang ina, hindi ko hahayaang patuloy nilang lapastanganin ang alaala ng aking anak. Walang karapatan ang NTF-ELCAC, AFP, PNP, at ang pasistang estado na gamitin ang nangyari sa aking anak at sa kanyang mga kasamahan para sa kanilang mga kasinungalingan,” giit ni Hernandez.
Salungat sa ipinipakalat na impormasyon tungkol sa kanyang pagkamatay, minasaker si Beng at ang tatlo pa niyang kasamang magsasaka noong Abril 5, 2002 habang nagsasagawa sya ng pananaliksik sa kalagayan ng mga magsasaka sa Arakan Valley, Northern Cotabato. Lumabas rin sa isang hiwalay na fact-finding mission ng Commission of Human Rights (CHR) na binasag ang mga bungo nila Beng at mga magsasaka bago barilin ng mga pwersa ng militar sa pamumuno ni Sgt. Antonio Torilla, sa kabila ng kanilang pagmamakaawa.
Sa ulat na inilabas ng United Nations Human Rights Committee ukol sa nasabing kaso, malinaw na hindi kasapi ng New People’s Army (NPA) si Beng at ang iba pang biktima ng nasabing masaker. Binanggit ng komite na may pananagutan ang gobyerno sa pagpaslang sa kanila. Hanggang sa kasalukuyan, di pa rin napapanagot si Torillo at ang mga kanyang mga kasamahan.
“Malinaw na ang tumitindi ang pagka-desperado ng administrasyong Duterte para pagtakpan ang umaalingasaw nitong kabulukan at pagka-inutil, lalo’t higit at papalapit na ang eleksyon. Kabi-kabila na ang paghuhugas-kamay ng teroristang estado sa dugong pinadanak nito sa bansa sa pamamagitan ng malawakang red-tagging at pagtugis sa mga kritiko’t aktibista. Kami, bilang mga kaanak ng mga biktima ng karapatang pantao, ay di makakapayag na di mapanagot ang pasistang si Duterte at ang kanyang mga alipores sa kanilang pagyurak sa karapatang pantao at pagpapatupad ng mga palpak, kontra-mamamayan, at di makataong patakaran,” dagdag niya.
“Kami sa Hustisya ay di titigil sa paglalantad sa pagka-inutil at pasismo ng estado. Kasama ng mga mamamayang api at biktima ng estado sa iba’t ibang pasistang rehimen, patuloy naming isusulong ang pagtatanggol at paghahanap ng katarungan para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao,” pagwawakas ni Hernandez.