Sa paggunita ng ika-19 na anibersaryo ng pagpaslang kay Benjaline “Beng” Hernandez, muling iginiit ng grupong Hustisya (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) ang panagawan para sa katarungan sa mga biktima ng “pasismo ng estado.”
Sa paggunita ng ika-19 na anibersaryo ng pagpaslang kay Benjaline “Beng” Hernandez, muling iginiit ng grupong Hustisya (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) ang panagawan para sa katarungan sa mga biktima ng “pasismo ng estado.”
Ayon sa ina ni Beng at pambanang panguo ng grupo na si Evangeline Hernandez, “Walang katumbas ang sakit ng mawalan ng anak, lalo pa sa paraan ng pagkitil sa buhay ng aking anak. Higit pang masakit na walang hustisyang nakamit hanggang sa ngayon sa kanyang pagkapaslang.”
Si Beng ay manunulat ng pahayagang pangkampus na Atenews, pangalawang tagapangulo para sa Mindanao ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), at pangalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan – Southern Mindanao nang siya at ang tatlo pa niyang kasamahan ay paslangin ng mga pwersa ng militar sa pamumuno ni Sgt. Antonio Torillo noong Abril 5, 2002 sa Arakan Valley, North Cotabato.
Sa ulat na inilabas ng United Nations Human Rights Committee ukol sa nasabing kaso, malinaw na hindi kasapi ng New People’s Army (NPA) si Beng at ang iba pang biktima ng nasabing masaker. Binanggit ng komite na may pananagutan ang gobyerno sa pagpaslang sa kanila. Hanggang sa kasalukuyan, di pa rin napapanagot si Torillo at ang mga kanyang mga kasamahan. Hanggang ngayon, hindi pa rin napanagot si Torillo at ang mga kasamahan niyang militar sa nangyaring masaker.
“Si Beng ay isa lang sa 1,026 na biktima ng pampulitikang pamamaslang ng dating rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo. Isa lang ako sa libong inang pinaslang ang anak. Ang pamilya ko ay isa lang sa libong pamilyang patuloy na naghihinagpis sa kawalan ng katarungan para sa kanilang mga kaanak,” ani Hernandez.
Giit ni Hernandez, mas tumitindi pa ang kalagayan ng karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa ring namamayani ang kultura ng kawalan ng katarungan sa bansa. Di maikakaila na kagaya ng mga nagdaang mga madudugong administrasyon, ang administrasyong Duterte ay walang paggalang sa karapatan ng mga mamamayan. Sa kabila ng pandemya, kabi-kabilaan ang patayan sa maraming panig ng bansa,” dagdag niya.
Binanggit rin niya ang tinaguriang “Bloody Sunday” noong Marso 7 na kumitil ng buhay ng siyam (9) na aktibista at ang pagkakapaslang sa tagapangulo ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa sa Fuji Electric Philippines, Olalia- KMU at pangalawang tagapangulo ng PAMANTIK- Kilusang Mayo Uno (KMU) na si Dandy Miguel.
“Habang tayo ay nasa malalang kalagayan ng pandemya dahil sa palpak na pamamahala ng gubyernong Duterte, tuloy-tuloy ang pag atake at pamamaslang sa mga unyonista, aktibista, at mga human rights defenders sa buong bansa. Ang pagsupil sa karapatan ng mamamayang gutom at naghihikahos para igiit ang mga lehitimong kahilingan, ang pagpapatahimik sa pagbunyag sa mga katiwalian ng ahensya ng gubyerno – lahat ng ito nagpapatindi sa pagkamuhi at diskontento ng mamamayan laban kay Duterte,” dagdag niya.
Pagtatapos ni Hernandez, “Maikli man ang naging buhay ng aking anak, inspirasyon pa rin na ginugol niya ito sa paglilingkod sa bayan. Magiging inspirasyon ito para sa aming kanyang magulang na ipapagpatuloy ang laban hanggang hustisya ay makamtan, hindi lamang para kay Beng, kundi sa lahat ng biktima ng pamamaslang at paglabag ng karapatang pantao.”