Mariing kinondena ng HUSTISYA (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) ang kapabayaan at kawalang puso ng administrasyong Duterte matapos masawi ang bilanggong pulitikal at lider-magsasaka na si Joseph Canlas.
Mariing kinondena ng HUSTISYA (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) ang kapabayaan at kawalang puso ng administrasyong Duterte matapos masawi ang bilanggong pulitikal at lider-magsasaka na si Joseph Canlas.
Si Canlas, 59, ay pangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL) at pangalawang pangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) nang siya ay sapilitang ikulong at sampahan ng gawa-gawang kaso noong Marso 30. Mayo 7 nang isugod siya sa ospital dahil sa paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga. Batay sa isinagawang pagsusuri, nag-positibo siya aa COVID-19 habang nasa piitan. Tuluyang binawian nang buhay ang nasabing lider-magsasaka noong Mayo 11.
"Si Ka Joseph Canlas ay kilalang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka sa Gitnang Luson. Gaya ng maraming aktibista at kritikong pilit na pinapatahimik ng kasalukuyang administrasyon, siya ay biktima ng "tanim-ebidensya" at malawakang red-tagging, at ipiniit nang walang sapat na batayan. Nakakapanlumo at lubhang nakakagalit ang ginawa ng gobyernong ito kay Ka Joseph," ani Evangeline Hernandez, tagapangulo ng HUSTISYA.
Ayon pa kay Hernandez, sumasalamin ang sinapit ni Canlas sa pabulusok na kalagayan ng karapatang pantao sa bansa, lalo’t higit at patuloy ang pagsisinungaling at pandarahas ng administrasyong Duterte sa mga mamamayan.
"Ramdam sa buong bansa ang bangis at karahasan ng administrasyong Duterte mula nang maluklok ito noong 2016. Sa bisa ng mga programang diumano’y kontra-insurhensiya at kontra-droga, binigyang bisa ang malawakang patayan at paglabag sa karapatan ng mga mamamayan, lalo’t higit sa Timog Katagalugan, Bikol, Negros, Bohol, at Metro Manila," sabi niya.
Inihalintulad rin ni Hernandez ang sinapit ni Canlas sa pagpaslang sa human rights worker na si Zara Alvarez at sa isa ring lider-magsasaka na si Randall Echanis.
"Hindi naman mga kriminal ang madalas na biktima ng karahasan ng kasalukuyang administrasyon; madalas, mga human right workers, aktibista, kababaihan, manggagawa, magsasaka – mga ordinaryong mamamayan na ang tanging armas ay ang kanilang mga prinsipyo at ang katotohanan. Malinaw na si Duterte at ang kanyang mga alipores ay nababahag ang buntot sa paglaban ng mamamayan sa kanilang mga mapanupil na patakaran. Kulang ang taguring "mamamatay-tao" at "duwag" para ilarawan sila," giit niya.
Sa huli, nanawagan si Hernandez para sa katarungan para kay Canlas at sa lahat ng biktima ng pasismo ng estado.
"Kami sa HUSTISYA ay kaisa ng mamamayan sa paghahangad ng hustisya para kay Canlas. Lalo’t higit, kami ay patuloy na nananawagan ng katarungan para sa lahat ng biktima ng paglabag ng karapatang pantao. Marapat lang na usigin at ilantad ang kabulukan ni Duterte at ng kanyang mga alipores," pagwawakas niya.