Please see the joint statement of Jhed Tamano and Jonila Castro on the arrest warrant over charges of grave oral defamation. Thank you.
HINGGIL SA WARRANT OF ARREST PARA SA GRAVE ORAL DEFAMATION
Joint Statement nina Jhed Tamano at Jonila Castro
Atat na atat ang mga mandurukot na makulong ang dinukot nila.
Imbes na ibasura ang isinampang Grave Oral Defamation dahil sa grant ng petisyon sa Writ of Amparo at Habeas Data, kami pa ngayon ang nakaambang arestuhin.
Kahapon, umapela ang Office of the Solicitor General OSG sa naging desisyon ng Supreme Court sa Writ of Amparo at Habeas Data para sa amin. Ayon sa kanilang Omnibus Motion, hindi maaari ang pag-grant ng writs dahil may arrest warrant na kami noon pang February 2. Dito lang namin napag-alaman na anumang oras ay maaari na kaming arestuhin sa salang hindi namin ginawa.
Ang tanging kriminal dito ay ang mga mandurukot at sinungaling na AFP at NTF-ELCAC, maging ang mga ahensya ng gubyerno na nakikipagkuntsabahan dito. Ang krimen dito ay ang panunupil at paggamit sa mga posisyon para manlamang sa mamamayang dapat na pinagsisilbihan nito.
Malinaw na nagagamit ng mga nasa estado ang kanilang kapangyarihan upang baluktutin ang batas at supilin ang mamamayang lumalaban. Kitang kita ito sa kaso nila Frenchie Mae Cumpio, Amanda Echanis, Jade Castro, at ang ilang daang bilanggong pulitikal na walang katarungang isinadlak sa mga rehas.
Mas nagiging agresibo ang mga nasa posisyon para protektahan ang makasariling interes, mula sa pagtutulak ng Charter Change hanggang pagtitiyak ng dayuhang pandarambong at mapanirang proyekto. Mas nagiging mapanupil din ito para matakot tayo at manahimik na lang. Para sa atin, kinakatwiranan lang lalo ng lumalalang kahirapan at papatinding pagpapatahimik ang ating paglaban.
Lagpas sa kasuhan ang laban ng mamamayan. Hindi posas ang makakapagpatahimik sa mamamayang lumalaban kundi ang tagumpay ng pagsusulong ng tunay na demokrasya at kalayaan.###