Mahigpit na kinondena ng Karapatan ang desisyon ng Korte Suprema na alisin ang Filipino at Panitikan bilang mga pangunahing asignatura sa kolehiyo. Nakikiisa ang Karapatan sa lahat ng grupong patuloy na naninindigan para igiit ang ating pambansang pagkakakilanlan dahil ito ay mahalang gulugod ng karapatang pantao ng mamamayan.
Mahigpit na kinondena ng Karapatan ang desisyon ng Korte Suprema na alisin ang Filipino at Panitikan bilang mga pangunahing asignatura sa kolehiyo. Nakikiisa ang Karapatan sa lahat ng grupong patuloy na naninindigan para igiit ang ating pambansang pagkakakilanlan dahil ito ay mahalang gulugod ng karapatang pantao ng mamamayan.
“Sa hakbang ng Korte Suprema, inaatake ang karapatan nating maitaguyod ang sariling wika para sa pambansang kultura, kamalayan at tunay na pag-unlad ng bayan,” ani Roneo Clamor, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
Kamakailan, naglabas ng resolusyon ang Korte Suprema upang muling pagtibayin ang nauna nitong hatol noong 2018 pabor sa CHED Memorandum Order (CMO) No. 20 na nagtatanggal sa Filipino at Panitikan bilang mga “core subjects” sa kolehiyo.
Ayon sa CHED, alinsunod ito sa layuning hubugin ang mga estudyante sa iba pang wika upang maging “globally competitive”.
Halos kasabay naman nito ang pagpasa sa Mababang Kapulungan ng House Bill 8961 na naglalayong gawing sapilitan o “mandatory” ang pagpapasailalim sa Reserve Officer Training Corps (ROTC) training ng mga mag-aaral ng senior high school sa buong bansa.
“Isang napalaking kabalintunaan ang pahayag ng gobyerno na gusto nilang pag-ibayuhin ang nasyunalismo at ipagtanggol ang bansa kaya nila isinusulong ang mga programang ito. Walang katuturan ang patuloy nitong pagsusulong ng huwad na patriyotismo sa ilalim ng ROTC, habang tinatanggalan tayo ng sariling pagkakakilanlan, kasaysayan at kultura sa pamamagitan ng CMO 20,” pahayag ni Clamor.
Aniya, “Mas lalong umaalingasaw ang tunay na baho ng gobyernong ito nang katigan ng Korte Suprema ang pag-alis ng Filipino at Panitikan. Sa ngalan ng pagiging “globally competitive”, pilit na tinatanggal sa mga kabataan ang pagiging Pilipino para sa murang lakas-paggawa na syang itinutulak ng malalaking korporasyong dayuhan. Ito ang tunay na legasiya ni Duterte: ang patuloy na pagyurak sa nasyunalismo at kulturang Pilipino habang bahag ang buntot na nagpapakatuta sa mga dayuhang kapangyarihan gaya ng Estados Unidos at Tsina.”
Dagdag ni Clamor, "Ang mga panukalang ito ay isang hakbang upang palawakin ang pasismo at tiranya ng rehimeng Duterte. Sa kahibangan at pagka-adik ni Duterte sa kapangyarihan, gusto pa niyang magrekrut ng mas maraming mersenaryo sa pamamagitan ng paglinlang sa mga kabataan gamit ang mandatory ROTC sa mga paraalan. Pilit silang hinuhulma ng gobyerno na magbulag-bulagan at maging sunud-sunuran sa pasistang si Duterte, imbes na hasain ang kanilang kakayanang mag-isip at maglingkod sa bayan.”
Marami ring naitalang kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng programang ROTC. Tampok na rito ang kaso ng pagpaslang kay Mark Welson Chua noong 2001, pati na rin ang mga naitalang kaso ng harassment, hazing at iba pang uri ng karahasan. May mga ulat rin na ginagamit ang ROTC sa pagtatag ng mga student intelligence network upang tugisin ang mga progresibong kabataan sa loob ng mga pamantasan.
“Sa ilalim ng programang ROTC, malinaw na inilalagay ng gobyerno ang mga kabataan sa mas higit na kapahamakan,” dagdag niya.
Hinihikayat ng grupo ang publiko na irehistro ang pagtutol laban sa mga naturang programa.
“Sa panahon ng umiigting na atake sa ating karapatan, nararapat lang ang patuloy nating pagkilos laban sa mga panukala ng administrasyong ito. Mas lalong dapat nating sama-samang ihayag ang ating paglaban para sa ating karapatan at pagkakakilanlan bilang Pilipino,” pagwawakas ni Clamor. ###