Taos-pusong nakikiramay ang Hustisya sa mga kasama, pamilya at kaibigan ni Kasamang Ernesto Jude Rimando Jr. na pumanaw sa sakit na liver cancer sa edad na 58 noong Hulyo 23, 2024.
Si Kasamang Jude ay nakulong dahil sa mga gawa-gawang kaso laban sa kanya. Siya ay inaresto noong Enero 6, 2021 sa Payatas, Quezon City ng anim na armadong kalalakihan na nakasibilyan at bigong nagpakita ng warrant of arrest. Ang mga iligal na nang-aresto ay tumangging magpakilala sa kanilang sarili ngunit kalaunan ay nakilala silang mga operatiba ng PNP-CIDG.
Nasa Metro Manila noon si Kasamang Jude para ipagamot ang kanyang sakit na liver cirrhosis at sepsis. Subalit sa kabila ng kanyang medikal na kalagayan, si Kasamang Jude ay piniringan, tinortyur at agad-agad ininterogeyt. Tumigil lamang ang mga humuli sa kanya matapos marinig ng mga kapitbahay ang komosyon.
Matapos ang mahigit tatlong taon sa kulungan, lumala ang kanyang sakit at siya ay na-diagnose sa Philippine General Hospital na may Stage 4 liver cancer, tuberculosis, pulmonary embolism at chronic obstructive pulmonary disease. Tinaningan siya ng tatlong buwan. Subalit hindi na niya inabot ang tatlong buwang taning dahil sa dami ng iniinda niyang sakit.
Si Jude ay nagtapos ng high school sa Philippine Science (PSHS) at dati rin siyang estudyante ng Mechanical Engineering sa University of the Philippines (UP) sa Diliman. Nagsimula siyang maging estudyanteng aktibista noong high school pa siya sa panahon ng diktador na si Marcos Sr. Kalaunan ay naging aktibo siya sa unyon ng manggagawa at kilusang magsasaka sa Visayas. Dalawang dekada ng kanyang buhay ang kanyang ginugol bilang mananaliksik sa ilalim ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo.
Kahit pa naging biktima ng inhustisya si Kasamang Jude, pinahirapan at hindi dininig ang kanyang hiling na makalaya sa makataong batayan, nanatiling militante ang kanyang diwa at wala siyang pinagsisihan sa pinili niyang buhay — ang maglingkod sa masang api at pinagsasamantalahan.
Mapalad ang Hustisya dahil nakadaupang-palad namin kahit sandali si Kasamang Jude nang kami ay tumulong sa pagbabantay sa kanya noong sya ay nasa ospital.
Paalam, Kasamang Jude, at taas-kamaong pagpupugay sa iyong dakilang ambag at hangarin para sa tunay na demokrasya at kalayaan ng mamamayang Pilipino.
Mabuhay ka, Kasamang Ernesto Jude Rimando Jr.!
Kalayaan para sa lahat ng bilanggong pulitikal!
Hustisya para sa lahat ng biktima ng pasistang estado!