Ang Hustisya ay nakikiisa sa pamilya ni Engr. Fidela Salvador sa patuloy na paghahanap ng katarungan sa pagpaslang sa kanya isang dekada na ang nakalilipas.
Si Engr. Salvador ay pinaslang ng mga elemento ng 41st Infantry Battalion ng Philippine Army noong Setyembre 2, 2014 sa Lacub, Abra habang nagmomonitor ng mga disaster at socio-economic projects ng Cordillera Disaster Response and Development Services (CorDis RDS). Kasama niyang pinaslang ang isa pang sibilyan na nagngangalang Noel Viste, na residente ng lugar.
Bilang development worker at project consultant, siya ay sibilyan at hindi armado, taliwas sa paratang ng 41st IBPA na siya ay kasapi ng NPA. Si Engr. Salvador ay naglingkod sa kanyang mga kapwa katutubo, laluna iyong mga naninirahan sa malalayong komunidad na hindi naaabot ng mga serbisyong panlipunan.
Ang kaso ni Engr. Salvador ay hindi naiiba sa kaso ng marami pang ibang biktima ng pasistang estado, na hanggang ngayon ay wala pa ring nakakamit na hustisya. Sa ganitong usapin, hindi nalalayo ang kasalukuyang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. sa rehimen ng kanyang amang diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Patuloy ang mga paglabag sa karapatang pantao at sa pandaigdigang makataong batas sa ilalim ni Marcos Jr. Noong katapusan ng Hunyo 2024, may naitala nang 105 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang at 75 kaso ng bigong ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng kasalukuyang rehimen. Karamihan sa mga biktima ay mga sibilyang pinalalabas ng militar na mga kombatant ng NPA na napaslang sa labanan. Umabot din sa 42,426 ang biktima ng sapilitang paglikas; 63,379 ang biktima ng walang patumanggang pamamaril; at 44,065 ang biktima ng pambobomba at panganganyon. Labing-lima (15) na rin ngayon ang biktima ng sapilitang pagkawala.
Nananawagan ang Hustisya ng katarungan para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang tao at pandaigdigang makataong batas. Dapat panagutin ang mga pasistang kriminal na responsable sa mga paglabag na ito.
Singilin at panagutin ang mga salarin at bigyang-hustisya ang mga biktima ng pasistang dahas!
Singilin at panagutin ang rehimeng US-Marcos sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao at pandaigdigang makataong batas!