Pahayag ng Hustisya sa ika-2 taon ng pagpaslang kina Mario Espereguerra at Renante Capareno

,

Agosto 19, 2022 nang dukutin at paslangin ng mga elemento ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) ang magpinsan na sina Mario Espereguerra at Renante Capareno sa Sitio Guintariban, Brgy. Piña, San Jacinto, Ticao, Masbate.

Mariing kinukundena ng Hustisya (Pagkakaisa ng mga Biktima para sa Hustisya) ang rehimeng Marcos Jr. dahil dalawang taon na ang nakararaan ay wala pa ring hustisya ang pagpatay kina Espereguerra at Capareno. Bagamat sila’y mga sibilyan, pinaratangan silang mga myembro ng New People’s Army (NPA) na pinatay sa engkwentro. Si Espereguerra ay inakusahan ding may kinalaman sa pagkamatay ng manlalaro sa football na si Keith Absalon noong 2021.

Dahil sa patuloy na pagpapatupad ni Marcos Jr. ng mga programa sa ilalim ng NTF-ELCAC na binuo sa ilalim pa ni Duterte, wala pa ring tigil ang red-tagging, paniniktik, pekeng pagpapasurender, sapilitang pagkawala, pagtortyur, sapilitang pagpapasama bilang giya, at ang ekstrahudisyal na pamamaslang ng mga sibilyang pinagdududahang sumusuporta sa NPA na pagkatapos patayin ay palalabasing NPA na nabuwal sa labanan, tulad ng nangyari sa magpinsang Mario Espereguerra at Renante Capareno.

Ginagawa ito upang makaligtas ang mga salaring militar sa anumang pananagutan at patuloy pa rin silang makapaghasik ng lagim sa mga komunidad sa kanayunan. Subalit hindi pwedeng magmalinis si Marcos Jr. tungkol dito dahil siya ang mismong tagapangulo ng NTF-ELCAC na kumukumpas sa lahat ng kontra-mamamayang programa at patakaran sa usapin ng counter-insurgency.

Mariin ang panawagan ng Hustisya at iba’t ibang sektor na naging biktima ng karahasan ng estado na kagyat na buwagin ang NTF-ELCAC. Panagutin ang AFP, PNP at lahat na kasapakat sa paglabag sa karapatang tao ng mamamayan.

HUSTISYA PARA SA LAHAT NG BIKTIMA NG PAMAMASLANG AT LAHAT NG PORMA NG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO !