Ngayong Agosto 10, 2024 ay apat na taon nang walang hustisya at walang napananagot sa karumal-dumal na pagpaslang kay Ka Randall Echanis. Mariing kinukundena ng Hustisya ang rehimeng Marcos Jr., ang AFP, PNP at lahat ng kasapakat sa pagpaslang kay Ka Randall. Ang apat na taong kawalan ng hustisya ay sumasalamin sa tuluy-tuloy na pagsupil ng pasistang estado sa mga tumitindig para sa kapakanan at kagalingan ng mga magsasaka at mamamayang anakpawis.
Matatandaan na si Ka Randall Echanis ay isa sa mga nagsulong ng CASER (Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reform) bilang National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultant at bahagi ng Technical Working Committee nang magbukas ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Tampok sa naging gawain ni Ka Randy sa usapang pangkapayapaan ang mahigpit na pagtataguyod sa tunay na reporma sa lupa bilang isa sa mga salalayan ng pagkakamit ng kapayapaang nakabatay sa katarungan.
Ngayong nagpalit na ang presidente, wala pa ring ginagawang aksyon ang rehimeng Marcos Jr. para panagutin sina Duterte di lamang sa pagpaslang kay Ka Randall kundi sa iba pang mga kaso ng pampulitikang pamamaslang at sa malawakang pamamaslang sa gera kontra droga. Papaano’y umiiwas din si Marcos Jr. na maungkat ang pananagutan ng kanyang sariling pamilya sa napakaraming paglabag sa karapatang pantao mula pa sa diktadura ng kanyang amang si Ferdinand Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyan. Sa ilalim ni Marcos Jr., patuloy ang mga krimen laban sa mamamayan tulad ng ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot at sapilitang pagkawala, iligal na pang-aaresto at pagkukulong, pagsasampa ng gawa-gawang kaso, iligal na panghahalughog, pambobomba sa kanayunan at iba pa.
Ang Hustisya kasama ng iba’t ibang sektor at organisasyon ay tuluy-tuloy na kikilos para singilin at mapanagot ang rehimeng Duterte at ang rehimeng Marcos Jr. ngayon upang makamtan ang hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Katarungan para kay Ka Randy!
Katarungan para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang pantao!
Duterte Ikulong!
Marcos Panagutin!