Pahayag ng Hustisya sa ika-4 na taon matapos ang pagpaslang kay Zara Alvarez

Mariing kinukundina ng Hustisya, organisasyon ng mga kaanak ng biktima ng extrajudicial killings at iba pang paglabag sa karapatang pantao, ang kasalukuyang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. sa kawalan nito ng aksyon para seryoso at lubusang panagutin si Rodrigo Duterte sa malawakang pamamaslang at paglabag sa karapatang pantao sa panahon ng panunungkulan nito bilang pangulo ng Plipinas. Patuloy pang ipinatutupad ni Marcos Jr. ang pinakamasasahol na patakaran ng pasistang terorismo ng estado laban sa mamamayan.

Ang pagpaslang kay Zara Alvarez, isang human rights worker at volunteer health worker, ay isa sa pinakakarumal-dumal na krimen sa ilalim ni Duterte. Si Alvarez ay isa sa 222 na human rights defenders na pinatay noong nakaraang rehimen. Tinarget siya dahil nais siyang patahimikin sa kanyang paninindigan na isiwalat ang mga paglabag sa karapatan ng mga manggagawang bukid at magsasaka sa Negros. Sa kabila ng lahat ng panganib, ipinagpatuloy niya ang kanyang gawaing maglingkod sa mahihirap na mamamayan ng Negros.

Sa ilalim ni Marcos Jr., nagpapatuloy ang terorismo at red-tagging na isinasagawa ng estado sa pangunguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na itinayo ni Duterte. Patuloy ang pampulitikang pamamaslang, pagdukot at sapilitang pagkawala, iligal na aresto at pagkulong dahil sa mga gawa-gawang kaso, at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

Mula July 2016 hanggang June 2022, may naitalang 422 na mga sibilyan na biktima ng extrajudicial killing (EJK) sa kontrainsurhensyang gera ni Duterte laban sa mamamayan. Bukod pa ito sa tinatayang 30,000 na pinaslang sa gera kontra droga.

Sa ilalim ng National Security Policy na ipinapatupad ng rehimeng Marcos Jr., may naitala nang 105 na biktima ng EJK. May 22,391 biktima ng pambobomba sa kanayunan; 39,769 ang bilang ng mga nabiktima ng indiscriminate firing o walang habas na pamamaril mula Hulyo 2022 hanggang katapusan ng 2023. Malinaw na sa maraming aspeto ay kasingsahol ni Duterte si Marcos Jr. sa paglabag sa karapatang pantao. Kabalintunaan ito ng kanyang sinasabing bumubuti ang kalagayan ng karapatang pantao sa ilalim ng kanyang rehimen.

Ang Hustisya ay naninindigan kasama ang mga kaanak at kaibigan ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao, para sa katarungan para kay Zara Alvarez at sa lahat ng iba pang biktima nina Duterte at Marcos Jr. Panagutin si Duterte, AFP, NTF-ELCAC at lahat ng kasapakat sa pagpaslang kay Zara Alvarez at sa lahat ng biktima ng terorismo ng estado. Singilin si Marcos Jr. sa pagpatuloy ng programa ng NTF-ELCAC, pambobomba sa kanayunan, at paglabag sa karapatang pantao at Pandaigdigang Makataong Batas.