PALAYAIN ANG KABABAIHANG BILANGGONG PULITIKAL!
PALAYAIN ANG LAHAT NG BILANGGONG PULITIKAL!
Pahayag ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA)
sa Araw ng Kababaihan
Marso 8, 2024
Mayroon ngayong 799 bilanggong pulitikal na nakapiit sa mga kulungan sa iba’t ibang sulok ng bansa. Isang daan at animnapu’t apat (164) sa kanila ay kababaihan, at marami ang may sakit at matatanda. Dalawampu’t apat (24) sa kanila ay may kabiyak na kapwa bilanggong pulitikal at nakapiit sa hiwalay na bilangguan.
Ngayong araw at buwan ng kababaihan, nananawagan ang SELDA para sa agarang pagpapalaya sa lahat ng bilanggong pulitikal, kabilang ang mga kababaihan, nang walang kondisyon.
Malinaw ang nakasaad sa CARHRIHL (Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law) na pinirmahan kapwa ng Gubyerno ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) hinggil sa pagtalima sa Hernandez Doctrine (1956). Ayon dito, ang mga “pagkakasalang naisagawa sa pagsusulong ng pampulitikang adhikain ay dapat ipaloob sa kasong rebelyon at ang kasong rebelyon ay hindi dapat patungan o dagdagan ng mga kasong kriminal tulad ng murder o arson at iba pang krimeng nakasaad sa Kodigo Penal.”
Upang agarang mapalaya ang mga bilanggong pulitikal, malinaw ding nakasaad sa Artikulo 6, Ika-3 bahagi ng CARHRIHL na dapat kagyat na repasuhin at aralin ng GRP ang mga kasong taliwas sa Hernandez Doctrine na nakasampa laban sa mga bilanggong pulitikal o naging sanhi para sila ay mahatulan.
Subalit salungat sa nakasaad sa CARHRIHL, ang mga bilanggong pulitikal ay nahaharap sa mga gawa-gawang kasong kriminal tulad ng illegal possession of firearms and explosives, murder, arson at human trafficking, at patuloy na nadaragdagan ang mga ito habang sila’y nakapiit. Walang ibang layon ito kundi patuloy na usigin, pahirapan at labagin ang kanilang mga karapatang pantao.
Dagdag pang paglapastangan sa CARHRIHL ang pagsasabatas ng Anti-Terrorism Act (ATA), Terrorism Financing Prevention and Suppression Act at Executive Order No. 70 na pawang taliwas sa CARHRIHL. Ayon sa Artikulo 7, ika-3 bahagi ng CARHRIHL, responsibilidad at dapat tiyakin ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas ang agarang pagpapawalambisa sa mga mapanupil na batas tulad nito.
Kabilang ang mga mapanupil na batas na ito sa mga isinasangkalan para mapatungan pa ng panibagong mga kaso ang mga bilanggong pulitikal. Patuloy ding ginagamit ang ATA at ang Anti-Terrorism Financing Act laban sa mga aktibista at lider-masa.
Ang kababaihang bilanggong pulitikal ay mula sa hanay ng mga aktibista, magbubukid, manggagawa, drayber, kabataan, maralitang taga-lungsod at iba pang sektor ng lipunan. Sila rin ay mga ina, anak, asawa, kapatid at kababayang naghahangad ng magandang buhay para sa kanilang pamilya, kaanak at malawak na masa ng sambayanan.
Sila sina Cleofe Lagtapon, Loida Magpatoc, Presentacion Saluta, Marilyn Magpatoc, Virginia Villamor, Carmelita Caneda, Nona Acero, Marites Pertez, Evangeline Rapanut, Jean Publiko, Myles Albasin, Frenchie Mae Cumpio, Mary Grace Delicano, Luzviminda Apolinario, Melody Catong, Rowena Rosales, Alexandrea Pacalda, Felicidad Caparal, Teresita Abarratigue, Marites Coseñas, Romina Astudillo, Julieta Gomez, Niezel Velasco, Robelyn Mahinay, Elizabeth Labaho, Meldoy Catong, Leonida Guiao, Cristita Rendora, Corazon Javier, Glendyl Malabanan, at Mariel Suson.
Ang mga bilanggong pulitikal ay hindi mga terorista. Sila ay mga ordinaryong mamamayang nagmamahal sa kapwa at sa bayan. Ang mga bilanggong pulitikal ay naghahangad at nagsusulong ng tunay na kapayapaan para sa bansang Pilipinas.
Palayain ang mga kababaihang bilanggong pulitikal!
Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!