Walang Kidnapping na Naganap
Ang kasong kidnapping with serious illegal detention laban sa amin sa Quezon City Trial Court ay persekusyong pulitikal na nais kaming palitawing mga komon na kriminal na dapat ibilanggo nang matagal.
Walang Kidnapping na Naganap
Ang kasong kidnapping with serious illegal detention laban sa amin sa Quezon City Trial Court ay persekusyong pulitikal na nais kaming palitawing mga komon na kriminal na dapat ibilanggo nang matagal.
Pakana rin ito para palitawing komon na krimen ang lehitimong operasyong militar ng Bagong Hukbong Bayan laban sa anti-manggagawang pangasiwaan ng Magnolia Farms sa Tiaong Quezon at pag-aresto sa mga upisyal ng AFP at PNP.
Wala kami sa Quezon noong Pebrero 1988 nang maganap ang pag-aresto sa 4 na tinyente ng Philippine Army at isang ahente ng NARCOM sa tsekpoynt ng BHB. Napag-alaman namin ang tunay na pangyayari mula sa mga pahayag ni Ka Gregorio Rosal (Ka Roger), tagapagsalita ng BHB sa Timog Katagalugan at sa mga ulat sa Ang Bayan, upisyal na pahayagan ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Itinayo ng BHB ang tsekpoynt bilang depensibong hakbang para maiwasan ang di-inaasahang labanan na pwedeng makapinsala sa mga inosenteng sibilyan.
Natyempuhan sa tsekpoynt ang 4 na tinyente at 1 ahente ng NARCOM na pawang armado. Ang 4 na tinyente ay mga upisyal ng 31st IB at 42nd IB na parehong nakadeploy sa Quezon bilang mga pwersang tagapagpatupad ng Oplan Lambat-Bitag ng AFP at rehimeng Aquino I.
Ikinonsentra sa Quezon ang 6 na batalyon at naghasik sila ng malaganap na pasistang terorismo sa probinsya. Responsable sila sa maraming paglabag sa mga karapatang tao. Gumamit sila ng mga tangke, 105 howitzer o kanyon at iba pang malakas na armas. Walang habas ang panggigipit sa mga taong baryo, malaganap ang iligal na pag-aresto at pagbilanggo.
Bagamat sangkot sa pasistang terorismo ang yunit ng Philippine Army na kinabibilangan ng 4 na tinyente, itinuring silang mga prisoner of war (POW), siniyasat ang kanilang personal na pananagutan sa mga kriminal na gawaing anti-masa. Sila at ahente ng NARCOM ay trinato nang may kunsiderasyon at kaluwagan hanggang pinalaya.
Kami ay mga bilanggong pulitikal na kinakasuhan nang labag sa Hernandez doctrine, People vs Hernandez (99 Phil 515,July 18,1956) People vs Geronimo (100 Phil 90,October 13, 1956) at kung gayon ay dapat palayain.
Saklaw din kami ng safety at immunity guarantee na ipinagkakaloob ng JASIG, (Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees) bilang mga pambansang consultants ng NDFP sa peace process. Sa katunayan, hindi nga kami dapat inaresto.
Hinihingi naming agad kaming palayain!
Benito Tiamzon
NDFP National Consultant
ND978227
Wilma Austria-Tiamzon
NDFP National Consultant
ND978226