Mariing iginigiit ng Karapatan ang pagpapalaya sa labing-anim (16) na magsasaka at mangingisda na iligal na inaresto sa isang marahas na demolisyon sa pangunguna ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines – Philippine Marine Corps (AFP-PMC) sa Sitio Racat, Barangay Rapuli, Sta. Ana, Cagayan noong Abril 24, 2019. Ang demolisyon ay naganap habang iginigiit ng mga taga-Sitio Racat ang kanilang karapatan sa lupa, mula sa pangangamkam ng CADILLAND, Inc, isang land developer.

Ayon sa mga ulat mula sa Asosasyon ti Racat a Mangalap, isang lokal na organisasyon ng mga mangingisda, dinala ang mga inaresto sa bayan ng Aparri sa kabila ng kawalan ng tulong-ligal at atensyong medikal bago ibalik sa bayan ng Sta. Ana. Sa 16 na inaresto, siyam (9) sa mga ito ay kababaihan. Sa ngayon, nangangalap pa ng dagdag na datos ang Karapatan Cagayan Valley hinggil sa iba pang impormasyon tungkol sa mga biktima.
“Ang kaso ng Racat 16 ay isa lamang sa maraming kaso ng karahasan laban sa mga maralitang tumitindig para sa kanilang karapatang sibil at sosyo-ekonomiko. Ito ay indikasyon ng paggamit ng dahas para busalan ang mga mamamayang nais ipahayag ang lumalalang sitwasyon na kanilang nararanasan,” ani Roneo Clamor, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
Ilang residente rin ang nagtamo ng mga sugat at bali sa katawan bunsod ng nasabing karahasan. Naiulat rin na gumamit ng tear gas at nagpaulan ng bala ang mga ahente ng estado sa nasabing demolisyon. Bukod pa rito, pinaghahanap rin ng Philippine National Police ang mga residenteng lumikas at pinagbabantaang sasampahan ng kaso at aarestuhin.
“Wala nang ligtas sa panahon ngayon, sa mga lungsod man o sa mga lalawigan. Mas prayoridad ng administrasyong Duterte ang maghasik ng takot sa mamamayan gamit ang PNP at militar kaysa sa tumugon sa mga lehitimong interes at pangangailangan ng mga batayang sektor ng lipunan. Lehitimo ang panawagan ng mga mangingisda at magsasaka, at sila ay nararapat na pakinggan, sa halip na arbitraryong pinagdadadampot at kinakasuhan ng gawa-gawang kaso,” dagdag ni Clamor.
“Sa mga pagkakataong ito, malinaw nating nakikita kung nasaang panig ang gobyerno at ang mga kasapakat nito. Hindi kapakanan ng mga maliliit na tao ang kanilang prayoridad, kung hindi ang interes ng mga mayayaman. Dapat managot ang PNP-AFP at ang CADILLAND, Inc. sa karahasang ito. Dapat agarang palayain ang Racat 16,” pagwawakas ni Clamor. ###