Muling lumalakas ang sigaw ng bawat Pilipino para sa katarungan — katarungan para sa mga biktima ng madugong kampanyang kontra-droga ng nakaraang administrasyon. Hindi sapat na kalimutan na lamang ang nakaraang trahedya. Sa ilalim ng panunungkulan ni dating pangulo Rodrigo Duterte, mahigit 30,000 buhay ang nawala dahil sa kanilang Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel.
Umaalingawngaw na ngayon ang mga kwento ng mga pamilyang naiwan – mga kwentong puno ng sakit, pangungulila, at mga tanong na walang kasagutan. Tao ang bawat nawala. May pamilya, may pangarap. Sa halip na proteksyon, takot at pangamba ang naidulot ng madugong kampanyang ito sa mamamayan. Subali’t hindi lamang si Duterte ang may pananagutan – kasama niya ang mga opisyal at indibidwal na pulis na nang-abuso sa kanilang kapangyarihan, nagbulag-bulagan sa tama, at naging bahagi ng sukdulang kalupitan.
Ang pangakong “kapayapaan” at “kaligtasan” ay naging tabing lamang para sa isang madugong kampanya. Sa halip na kapayapaan, mas matinding takot at kawalang-hustisya ang idinulot nito. Sa bawat buhay na kinitil nang walang proseso, may pulis o opisyal na nang-abuso ng kapangyarihan, at may lider na pumikit sa harap ng mga paglabag. Ipinakita nila ang lubos na pagbalewala sa dangal at karapatan ng bawat Pilipino.
Batid at alam na alam namin ang sakit na nararamdaman ng mga kaanak ng pinaslang sa pekeng gera kontra-droga. Ang aming mga mahal sa buhay, na maling pinaratangang mga terorista, ay pinatay ng mga militar at pulis dahil kanilang paninindigan at pagkilos para sa mga batayang karapatan ng mamamayan.
Ito ay panahon para manindigan. Hindi tayo dapat manahimik habang nananatiling malaya ang mga may-sala. Ang HUSTISYA, kasama ang mga pamilyang naulila at bawat Pilipinong nagmamahal sa katarungan, ay hindi titigil hangga’t hindi napapanagot ang bawat isang salarin — mula sa mga nag-utos hanggang sa nagpatupad ng mga pamamaslang.
Sa bawat Pilipino, isang panawagan: Tumindig tayo, magkaisa para sa isang makatao at makatarungang lipunan. Hindi natin hahayaang manaig ang kultura ng kawalang-pananagutan.
- Ang ama ni Lean Porquia, si Jory Porquia, ay coordinator ng Bayan Muna sa Iloilo. Pinatay ng mga pinaghihinalaang militar si Jory noong April 30, 2020.
** Ang ama’t ina ni Atty. VJ Topacio, sina Agaton Topacio at Eugenia Magpantay, ay pinatay ng mga elemento ng Philippine National Police noong November 25, 2020.