Pulis at militar, kinundena ng Hustisya dahil sa labis na paggamit ng pwersa sa pagpapatupad ng ECQ

Kinokondena ng Hustisya (Pagkakaisa ng mga Bikma para sa Hustisya) ang mga pulis at militar sa labis nitong paggamit ng pwersa sa mga ordinaryong mamamayan upang ipatupad ang mga patakaran nito sa Enhanced Community Quarantine. 


Kinokondena ng Hustisya (Pagkakaisa ng mga Bikma para sa Hustisya) ang mga pulis at militar sa labis nitong paggamit ng pwersa sa mga ordinaryong mamamayan upang ipatupad ang mga patakaran nito sa Enhanced Community Quarantine. 

Ang pagbaril at pagpatay kay Army Corporal Winston Ragos, ni Police Master Sergeant Daniel Florendo Jr. noong Abril 21; ang paghataw, tadyak at pagtrato na parang baboy ng mga Task Force Disiplina habang isinakay sa sasakyan, sa pangkaraniwang naglalako ng   isda na si Michael Pasage Rubiua sa Brgy. South Triangle, Quezon City noong Abril 27; at ang pagsita ng mga pulis kay Javier Salvador Parra, residente ng Dasmariñas Village sa Makati City dahil sa diumano’y hindi pagsusuot ng mask sa loob mismo ng bakuran ng kanyang tahanan na nauwi sa pakikipag bunuan sa pulis noong Abril 28. 

Ilan lamang ito sa mga napabalitang kaso ng pagmamalabis ng mga pulis at militar sa pagpapatupad ng mga patakaran sa Enhanced Community Quarantine. Walang ibang mananagot sa di makataong pagtrato ng mga pulis at militar sa mga taong diumano’y lumalabag sa patakaran ng Enhanced Community Quarantine kundi mismo si Pangulong Duterte. 

‘Di kaila sa mamamayan ang kanyang pagbabanta at kagaspangan ng pananalita,   ang   pagkandili   sa   mga   pulis   at   militar   sa   harap   ng   kaliwa’t   kanang   balitang pagmamalabis nila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Lahat ng ito ay lalong nagpapalaki sa ulo ng mga pulis at militar upang ipagpatuloy pa ang kanilang marahas, at pagmamalabis sa pagpapatupad ng patakaran sa Enhanced Community Quarantine.

Inaarmasan ng Pangulo ang mga pulis at militar hindi lamang ng mga materyal na suhol at mga insentibo. Sapagkat kinukunsinti nito sa mga maling gawi, pinaiigting nito ang pagpanday sa kanilang kaisipan at oryentasyon na ‘di makatao, ‘di makatarungan at pagbalewala sa karapatan ng tao at mamamayan.

Walang puwang ang labis-labis na paggamit ng pwersa sa mamamayan, ang patuloy na   paglaganap ng karahasan at paglabag sa mga karapatan ng bawat Pilipino sa panahong ito na nakaharap ang malawak na mamamayan lalo na ang mga mahihirap, sa kagutuman at   sa nakamamatay na COVID-19. Simpatiya at pagkandili sa mamamayan ang kinakailangan   sa kasalukuyang panahon. 

Dapat ng kagyat na itigil ang pagmamalabis, karahasan, pananakot, pagbabanta at paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan. Ang Hustisya ay mas higit pang magmamatyag at patuloy sa pagbabatikos at pagsisiwalat sa mga  katiwalian at kabuktutan ng administrasyong Duterte.