Marcos, singilin! Duterte, panagutin!
Ito ang marubdob na panawagan ng mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings (EJKs) at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa pamamagitan ng Hustisya, ilang araw bago ang ikatlong State of the Nation Address ni Ferdinand Marcos Jr.
Naninindigan ang Hustisya na nararapat na singilin si Marcos Jr. sa pagpapatuloy ng kanyang rehimen ng mga karumal-dumal na pamamaslang, pagdukot, tortyur, iligal na aresto at detensyon, at pananakot ng mga ordinaryong mamamayan, miyembro at lider ng mga samahan ng mga magbubukid, katutubo, manggagawa, kababaihan, kabataan at iba pang sektor.
Sa tala ng KARAPATAN, may 105 na biktima ng EJKs na isinagawa ng mga militar at pulis sa kontrainsurhensyang kampanya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Kabilang dito ang pitumpu’t dalawang (72) magbubukid – mga sibilyang pinalalabas na mga napatay sa “engkwentro” ng Armed Forces of the Philippines at NTF-ELCAC.
Nagmistulang killing fields ng AFP ang probinsya ng Masbate, kaya umaabot na sa 20 ang pinaslang na mga magsasaka sa dalawang taon ni Marcos. Nitong taon, naging tampok ang pagpaslang ng mga yunit ng AFP sa kabataang Lumad na si Kuni Cuba sa Sultan Kudarat, habang wala pa ring nasasakdal sa mga sundalong walang-awang nagmasaker sa pamilyang Fausto, kabilang ang dalawang bata, sa Negros Occidental.
Isang malaking kasinungalingan din ang pinapakalat ng rehimeng Marcos na “bloodless” na kanilang kampanya laban sa droga. Ayon sa Dahas project ng UP Third World Studies Center, umabot na sa mahigit sa pitong daan (700) ang pinaslang sa gera kontra-droga ni Marcos Jr.
Sa kabila ng mga nagpapatuloy na paglabag sa karapatang pantao at pandaigdigang makataong batas (international humanitarian law o IHL), walang indikasyon na lubusang pananagutin at ipakukulong ni Marcos si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa libu-libong kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao at IHL sa ilalim ng kanyang rehimen. Pinagpapatuloy at lubusang ginagamit pa nga ni Marcos ang mga polisiya tulad ng Terror Law at makinarya tulad ng NTF-ELCAC, na mga niluto ni Duterte, para supilin ang paglaban ng mamamayan.
Sa harap ng mas matinding kahirapang dinadanas ng mga mahihirap nating kababayan, pilit na tangkang pambubusal ang ginagawa ni Marcos. Sa lansakang paglabag sa soberenya ng ating bansa sa kanyang pagpapakatuta sa US, milyun-milyong dolyar mula sa imperyalistang bansa at bilyong piso ang inilalaan para sa gera laban sa mamamayan.
Naghuhumiyaw ang panawagan ng mga pamilya ng mga biktima ng EJKs at iba pang paglabag sa karapatang pantao para sa tunay na hustisya. Ninakaw ng mga pasistang rehimen ang aming mga mahal sa buhay, at ipinagmamalaki pa nila ang mga krimeng ito.
Nararapat na kilalanin ang husga ng International People’s Tribunal 2024 na guilty sina Marcos at Duterte sa mga krimen laban sa mamamayang Pilipino. Nararapat lamang na panagutin natin ang dalawang rehimen.
Kaisa ng mamamayang Pilipino, kami ay lalahok sa protesta ng mamamayan sa ikatlong SONA ni Marcos. Magmamartsa kami para sa aming mga mahal sa buhay. Magmamartsa kami para sa lahat ng mamamayang pinagkakaitan ng katarungan. Magmamartsa kami para sa tunay na kalayaan at demokrasya sa ating bayan.