Ibinulalas ng SELDA ang pandidiri sa itinalagang retiradong police general na si PNP Director Lina Castillo-Sarmiento bilang tagapangulo ng Human Rights Victims Claims Board, na siyang magpoproseso ng pagkilala at bayad-pinsala sa mga biktima ng Batas Militar.
Ibinulalas ng SELDA ang pandidiri sa itinalagang retiradong police general na si PNP Director Lina Castillo-Sarmiento bilang tagapangulo ng Human Rights Victims Claims Board, na siyang magpoproseso ng pagkilala at bayad-pinsala sa mga biktima ng Batas Militar.
Ito ang pinakamalubhang insultong ipinataw ng gobyernong Aquino sa mga biktima ng Batas Militar. Bahagi si Sarmiento ng Philippine Constabulary na nagpatupad, kasama ang AFP, ng pinakamalalang paglabag sa karapatang pantao noong diktadurya ni Marcos. Paano namin ito maaatim?” bulalas ni Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng SELDA.
Wala ni isa mang nominado ng SELDA ang naitalaga sa Human Rights Victims Claims Board, sa kabila ng isinasaad ng probisyon sa RA 10368, o ang Human Rights Victims Recognition and Reparation Act, na ang SELDA ay isa sa mga human rights organizations na maaaring magpasa ng nominasyon upang maging kinatawan at katuwang sa pagkilala ng mga biktima ng diktaduryang Marcos.
“Hindi ang claims board na ito ang totoong titindig para sa mga biktima ng martial law. Ito ang Claims Board ni Noynoy Aquino na pinangungunahan ng isang heneral na mula sa pinakakinatatakutang bumababoy ng karapatang pantao, ang lipas nang Philippine Constabulary (PC) na pinalitan ng Philippine National Police (PNP),” ani Enriquez.
Itinalaga namang mga miyembro ng claims board sina Jose Luis Martin Gascon, Byron Bocar, Aurora Parong, Galuasch Ballaho, Jacqueline Mejia, Glenda Litong, Wilfred Asis at Erlinda Senturias.
Tinawag ni Enriquez ang pagkakaluklok kay Sarmiento bilang “sukdulang arogansya ng gobyernong Aquino na mula’t mula pa ay may layong isantabi ang libo-libong biktima ng paglabag sa karapatang pantao.”
“Pagkatagal-tagal na pinaghintay ni Pang. Aquino ang mga biktima sa pagtatalaga ng claims board para lamang biguin sila sa huli. Ang mga pagtatalaga ni Aquino II nitong huli ay pagpapakita kung paano niya itinuturing ang mga Pilipinong nakibaka para sa kalayaan at demokrasya, at ang mga lumaban na ginamit ng kanyang ina at siya mismo, para makapamayani sa gobyerno. Paiigtingin namin ang aming panata sa paggigiit ng hustisya. Susubaybayan at babantayan naming mabuti ang claims board na ito ni Aquino,” saad ni Enriquez.
Nagdaos ng press conference ang SELDA noong Sabado bilang protesta sa binuong claims board ni Aquino. Bubuuin nila ang binansagan nilang “People’s Claims Board” na bumubuo ng mga nominado ng SELDA para sana Human Rights Victims Claims Board.