Suporta ng SELDA sa transport strike, panawagang palayain si Piston VC Ramon Escovilla

Ibasura ang Jeepney Phaseout!
Palayain si PISTON Vice Chairperson Ramon Rescovilla!

Nakikiisa ang Samahan ng mga Ex Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA) sa inilulunsad na transport strike ng mga kababayan nating jeepney operators at drivers ngayong December 14-15, 2023.

Kasabay nito ipinapanawagan din naming mga dating bilanggong pulitikal ang agarang pagpapalaya kay PISTON National Vice Chairperson Ramon Rescovilla na inaresto noong Setyembre 7, 2020 at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso.

“Walang palugit,” ito ang pahayag ni Presidente Bongbong Marcos hingil sa panawagan ng mga maliliit na jeepney drivers and operators sa kahilingang ekstenyon ng deadline ng Public Utility Vehicle (PUV) Consolidation—bahagi ng PUV Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

Nangangahulugan ito na 60,000 drivers at 25,000 operators, dito pa lang sa saklaw ng National Capital Region, ang mawawalan ng hanapbuhay at pagkakakitaan sa pagpasok ng 2024. Isang kabalintunaan sa darating na kapaskuhan at pagpasok ng bagong taon.
“Napakapait na pasko at bagong taon ang kakaharapin ng ating mga kababayang jeepney drivers at operators sa buong bansa dahil alam nilang sa pagpasok ng 2024, wala na silang pagkakakitaan at wala na silang pagkaing maihahain sa kanilang mga pamilya. Napakapait din para kay Ramon Rescovilla na nananatiling nakapiit sa Camarines Norte Provincial Jail. Ngayong Disyembre ang ika-4 na pasko ni kasamang Ramon sa loob ng bilangguan,” pahayag ni Danah Marcellana, dating bilanggong pulitikal at anak ng EJK victim na si Eden Marcellana. Ang kanyang asawa ay bilanggong pulitikal din at nakapiit sa Metro Manila District Jail sa Bicutan.

Si Ramon Rescovilla, na inaresto noong Setyembre 7, 2020, ay sinampahan ng kasong murder at illegal possession of explosives at dumanas ng physical torture sa kamay ng mga umaresto sa kanya. Siya ay aktibong nangampanya laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program ng gobyerno ng ikinasa ito ng Department of Transportation noong 2017, panahon ni President Duterte at ngayo’t pinagpapatuloy ng anak ng diktador na si Marcos Jr.

“Imbes na pakinggan ang kahilingan ng mga kababayan nating mga tsuper na mawawalan ng trabaho at pagkakakitaan, nagmistulang bingi at bulag ang rehimen ni Marcos Jr. at arbitraryong inaresto ang mga lider-tsuper na nagtataguyod ng karapatan ng mga tsuper at komyuter. Nagmamalaki si Marcos Jr. na ang PUV modernization program ay siyang lulutas diumano sa krisis sa klima, ngunit walang patumangga naman ang mga proyektong land conversion at reklamasyon at malalaking negosyong minahan na naglilikha nang mapanirang epekto sa kalikasan,” dagdag ni Marcellana.

Sa araw na ito ng transport strike, kaisa kami ng mga tsuper at operator sa panawagang ibasura ang PUV modernization at palayain si PISTON Vice Chairperson Ramon Rescovilla.

Suportahan ang laban ng mga tsuper laban sa PUV PHASEOUT!

PUVPhaseOutIBASURA

PalayainRamonRescovilla