KARAPATAN: Labanan ang Pasista, Korap, at Mapaniil na Rehimeng US-Marcos

Muling kikilos ang sambayanang Pilipino sa mga lansangan sa Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, upang kondenahin ang matitinding paglabag sa karapatang pantao at international humanitarian law (IHL) ng rehimeng Marcos Jr., at ipahayag ang ating galit laban sa malawakang burukratikong korapsyon na naglalagay sa kasalukuyang gobyerno bilang isa sa pinakamabaho sa kasaysayan ng bansa.

Ang mga salot na ito ay dagdag na pahirap sa mga magsasaka, manggagawa at panggitnang uri na matindi nang dumaraing sa talamak na krisis sa ekonomiya na dulot ng pagsang-ayon ng pamahalaan sa mga patakarang neoliberal ng US. Nahaharap din ang mga Pilipino sa napipintong panganib ng digmaan dahil lalong pinapayagan ng papet na rehimeng Marcos Jr. ang amo nitong US na gamitin ang Pilipinas bilang piyon (pawn) sa tunggalian nito sa China para sa dominasyon sa Asia-Pacific region.

Patuloy na sinasagot ng rehimeng Marcos Jr. ng panunupil ang ating paglaban sa mga paglabag sa karapatan ng mamamayan. Mula nang umupo sa kapangyarihan si Marcos Jr. noong Hulyo 2022, nagtala na ito ng 134 na extrajudicial killings (EJK); 15 sapilitang pagkawala (enforced disappearances); 822 di-makatwirang pag-aresto (arbitrary arrests); 577 sapilitan o pekeng pagpapasuko; 70,028 kaso ng walang habas na pamamaril (indiscriminate firing); at 57,156 kaso ng walang habas na pambobomba (indiscriminate bombing). Mayroon ding 48,247 biktima ng sapilitang paglikas at milyun-milyong biktima ng pagbabanta, panliligalig at pananakot, kabilang ang red-tagging.

Ang International Humanitarian Law o IHL, na dapat ay nagpoprotekta sa mga sibilyan sa panahon ng armadong tunggalian, ay patuloy na nilalabag ng rehimeng Marcos Jr. dahil ang karamihan sa mga biktima ng EJK ay mga lider o miyembro ng mga organisasyon ng magsasaka na pinalalabas ng militar na mga rebeldeng napatay sa engkwentro. Ang walang habas na pamamaril, pag-atake sa himpapawid at artilerya sa panahon ng operasyong militar ay paglabag din sa IHL na nakaaapekto sa mga sibilyan, kanilang kabuhayan at ari-arian.

Ang mga bilanggong pulitikal ay buhay na patunay ng panunupil ng rehimen. Sa pagtatapos ng ikaapat na kwarto ng 2025, mayroong hindi bababa sa 696 na bilanggong pulitikal na nakakulong sa iba’t ibang piitan sa buong bansa, 163 sa kanila ay inaresto sa ilalim ni Marcos Jr. Kabilang dito ang 12 konsultant at istap ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na patraydor na inaresto mula nang wakasan ni Rodrigo Duterte ang usapang pangkapayapaan sa rebolusyonaryong kilusan. Ang kanilang pag-aresto ay paglabag din sa mga kasunduang nilagdaan tulad ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Lalo ring ginagamit ng rehimeng Marcos Jr. bilang sandata ang Anti-Terrorism Act (ATA) at ang kakambal nito, ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act (TFPSA), upang supilin ang paglaban ng mamamayan. Umaabot sa 227 na mga lider-masa at aktibista ang pinalabas na lumabag sa ATA at/o TFPSA. 30 sa kanila ang kasalukuyang nakakulong. 34 na indibidwal, kabilang ang mga consultant ng NDFP at mga lider ng iba’t ibang organisasyon, ang di-makatwirang itinalaga bilang “terorista.” Dalawa ang biktima ng sapilitang pagkawala.

Noong Mayo 2025, inilabas ni Ferdinand Marcos Jr. ang National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD), ang kanyang plano para sa panunupil, kung saan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang nangungunang ahensya. Sa pangunguna ng NTF-ELCAC, ginagamit ng rehimeng Marcos Jr. ang lahat ng rekurso nito upang i-profile ang mga aktibista, i-red-tag sila, ligaligin at pilitin silang sumuko bilang armadong rebelde. Ang mga ayaw magpagamit sa NTF-ELCAC ay nagiging biktima ng EJK o sapilitang pagkawala o inaresto at ikinulong sa gawa-gawang kaso (trumped-up charges).

Ang NAP-UPD ay hindi nabuo sa kawalan. Sa loob ng maraming dekada, ang mga mapaniil na programa laban sa mamamayan na binuo ng iba’t ibang rehimen ay sumusunod sa mga doktrinang kontra-insurhensya ng US. Ang NAP-UPD ay mahigpit na sumusunod sa mga plano ng imperyalismong US para sa Pilipinas tulad ng nakabalangkas sa US National Defense Strategy, Philippines Bilateral Defense Guidelines at National Security Strategy. Nais ng US na siguruhing si Marcos Jr. ay magiging masunuring papet upang magampanan ng Pilipinas ang tungkulin nito bilang epektibong pawn sa pakikipaglaban sa kapangyarihan ng Amerika sa China. Gayunpaman, ito ay lubhang naglalagay sa panganib sa seguridad at kapakanan ng sambayanang Pilipino na maaaring masangkot sa isang tunggalian na hindi nila kagagawan.

Lalo pang nakakagalit ang pagsambulat ng malakihang korapsyon na kinasasangkutan hindi lamang ng mga senador, kongresista at iba pang opisyal ng pamahalaan kundi ni Ferdinand Marcos Jr. mismo at ng kanyang mga kaalyado. Bago pa ito, may pananagutan si Marcos Jr. sa paggamit ng kanyang kapangyarihan upang mabawi ang nakaw na yaman ng kanyang pamilya mula sa sequestration (pagkumpiska) pati na rin ang kanyang di pagbabayad ng bilyon-bilyong estate tax ng kanyang pamilya. Nilikha niya ang Maharlika Wealth Fund gamit ang pera ng gobyerno bilang paunang kapital upang mamuhunan sa mga malalaking proyekto na, ayon sa hinala ng marami, ay ginagamit upang linisin ang nakaw na yaman ng mga Marcos na itinago sa ibang bansa, gayundin ay kumita ng bilyun-bilyong piso sa mga kickback at kita sa proseso. Ito, habang si Marcos Jr. ay nagpapatuloy na baguhin ang kasaysayan upang ilarawan ang brutal at kleptocratic na pamamahala ng kanyang ama bilang “ginintuang panahon” sa kasaysayan ng Pilipinas.

Samantala, ang mas naunang mga pagbubunyag ng pasista at militaristang katangian ni VP Sara Duterte at ang kanyang di-umano’y anomalya sa paggamit ng daan-daang milyong piso sa Confidential at Intelligence Funds ay sapat nang dahilan para sa sambayanang Pilipino na hindi solusyon ang paglalagay sa katulad niyang korap at pasista bilang kahalili ni Marcos Jr. bilang presidente.

Ang bawat pisong ninakaw ng mga burukrata kapitalista ay pisong ninanakaw mula sa kagyat na pangangailangan sa serbisyong panlipunan ng mamamayan. Ang sistematikong ugat ng korapsyon ay lalong nagiging maliwanag habang napagtatanto ng mga tao na wala sa iba pang constitutionally mandated successors ang may moral na karapatang mamuno, at wala rin sa sinuman sa mga tradisyonal na dinastiyang pulitikal na patuloy na nakakakuha ng kapangyarihan sa pamamagitan ng halalang puno ng pandaraya. Tayo ay namamatay mula sa isang sistemang sumasakal sa atin dulot ng mga programang pang-ekonomiya na ipinataw ng US, ng mga kontra-insurhensyang pakana na dinisenyo ng US, at ng kasakiman at korapsyon ng burukrasya na nagkait sa atin ng mga kailangan upang mabuhay nang may dignidad.

Tayo, ang mamamayan, ang may hawak ng kasagutan. Sa ika-10 ng Disyembre, magmartsa tayo sa mga lansangan sa buong bansa upang igiit ang ating mga panawagan para sa tunay na hustisya at pananagutan. Hindi lamang si Sara Duterte at ang kanyang clique, kundi si Marcos Jr. na nakaupo sa Malacañang at ang kanyang mga alipores ang dapat ilantad at parusahan dahil sa korapsyon.

Kikilos tayo para sa pagtatanggol ng ating mga karapatang sibil at pulitikal na walang awang niyurakan nina Marcos Jr. at Sara Duterte. Wawakasan natin ang pasismo, korapsyon, at pagka-papet nina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte, habang isinusulong ang tunay na makabayan at demokratikong alternatibo mula mismo sa mamamayan.