Pahayag ng siyam na mga bilanggong pulitikal sa Camarines Sur sa okasyon ng ikatlong SONA ni Marcos Jr.

Nakaabang ang mamamayang Pilipino sa talumpati ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA). Muling maririnig ang kanyang pangangalandakan ng mga programa at proyektong “pangkaunlaran “na ipinangako noong nakaraang halalan 2022. Sa ngayon, pinangalanan pa niya itong “Bagong Pilipinas.” Subalit ang mga ito’y nanatiling pangako at pangarap na hindi natutupad, matapos ang dalawang taon.

Hindi matatakpan ng magarbong SONA ang nagdudumilat na katotohanan ng rrisis sa lipunang Pilipino. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Walang awa sa mga manggagawang dati nang kapos ang sahod, at sa mga magsasakang walang sariling lupang mapagtamnan, kaya’t dumarami ang naghihirap at nagugutom.

Tuloy ang patung-patong na kontrobersya sa pinakamatataas na posisyon sa pamahalaan na ang karaniwang dahilan ay ang bangayan sa poder. Ang mas malalim na dahilan ay ang pagsisiguro ng parte sa pinakamalalaking pondo ng bayan upang magsilbi sa personal na interes na makapanatili at tumagal pa sa kapangyarihan.

Samantala, gaya ng mga nakaraan, patuloy ang panunupil sa mga indibidwal, grupo at mga komunidad na naghahangad na magbago ang hikahos na kalagayan ng sambayanan. Ito ay sa pamamaraan ng paglalantad at pagtutol sa mga anti-mamamayang mga batas tulad ng Rice Tariffication Law, PUV Modernization Law, at marami pang iba. Pangunahing makinarya ng panunupil ay ang NTF-ELCAC na sinimulan ni Duterte at ipinagpapatuloy ni Marcos Jr..

Kaliwa’t-kanang redtagging at mga gawa-gawang kaso, kabilang ang paggamit ng Anti-Terror Law laban sa mga aktibista at progresibong mga organisasyon, kaya’t nasa 755 na ang bilanggong pulitikal sa buong kapuluan. Hindi bababa sa 28 ang nasa iba’t-ibang piitan dito sa Bikol. Ang ilan ay tumagal na nang isang dekada ng paglilitis, patunay ng napakabagal na gulong hustisya para sa mahihirap. Halimbawa nito ay sina Jevey Alarcon sa Camarines Sur at Maricel Remon sa Sorsogon.

Bilang protesta sa mga kalagayang ito, nakikiisa ang mga bilanggong pulitikal sa Camarines Sur sa Araw na Pag-aayuno ngayong SONA, kasabay ng panawagan na palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal sa Pilipinas.