Pahayag ng siyam na mga bilanggong pulitikal sa Palawan sa okasyon ng ikatlong SONA ni Marcos Jr.

Kaming mga bilanggong pulitikal sa Palawan ay nakikiisa sa lahat ng mga bilanggong puliltikal sa paglulunsad ng protest fast sa araw ng State of Nation Address (SONA) ni Marcos Jr., ngayong darating na ika-22 ng Hulyo, para sa panawagan sa pagpapalaya sa lahat ng mga political prisoners sa buong bansa.

Nanawagan din kami na patalsikin ang ilehitimong administrasyong US-Marcos II dahil sa kanyang kapalpakan sa pagpapatupad ng mga batas na ang layunin ay makapagkamal ng malaking pera sa kaban ng bayan para sa interes pansarili ng mga cronies nito. Wala rin siyang naipatupad na programa na papabor sa interes ng mga naghihirap na mamamayang pilipino, tulad nalang ng naipangako niyang 20 pesos na kilo ng bigas, na nabaon nalang sa limot na inaasahan sana ng maraming Pilipino.

Sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II, lalong tumindi ang paglabag sa karapatang pantao. Tumitindi ang iligal na pag-aresto at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga magsasaka, manggagawa, mangingisda, kababaihan, at katutubo. Aabot na sa higit isandaang bilanggong pulitikal ang nakulong sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Ang ilan dito ay matatanda na at may malulubhang sakit na dinaramdam.

Ang ganitong desperadong hakbang ng rehimeng US-Marcos ay lalong nagpapaalab sa damdamin ng sambayanang Pilipino na lalong ipaglaban ang karapatan, lalong higit sa aming mga bilangong pulitikal na hindi hadlang ang rehas na bakal upang ipaglaban ang aming karapatan at kalayaan.

Patuloy ang aming panawagan na palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal!

Walang-awa ang rehimeng Marcos Jr. sa ginagawang iligal na pag-aresto at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga aktibista na kagaya ng kaso ni Ernesto Jude Rimando, isang manggagawa at kasalukuyang may matinding karamdaman na cancer. Isa rin si Rosita Taboy na matanda at may malubhang sakit na naka-detain sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Catbalogan City, Samar.

Ayaw na naming maulit pa ang nangyari kay Antonio Molina na isang bilanggong pulitikal ng Palawan na namatay habang siya ay nakapiit at pinagkaitan ng agarang pagpapagamot at makita ang kanyang mga mahal sa buhay sa kanyang huling sandali.

Ipinapanawagan ng mga bilangong pulitikal sa Palawan ang pagbabasura ng Terror laws, tulad ng Anti-Terrorism Act of 2020 at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012, na ginagamit upang supilin at patahimikin ang mamamayang lumalaban para sa karapatan pantao. Tumitindi ang paglabag sa karapatang pantao gamit ang mga batas na ito, tulad ng aresto at pagkukulong, red-tagging, panghaharas sa komunidad, at pagpatay sa mga aktibistang pinaghihinalaang kalaban ng gobyerno at iba pang mga aksyong lumalabag sa karapatan ng mamamayan.

Kaya’t sa araw ng ikatlong SONA ni Marcos Jr., patuloy na papatambulin ng mga bilangong pulitikal ang mga panawagan para sa interes ng bayan, at pakikiisa sa mga laban sa pagdedepensa ng mga karapatang pantao ng mamamayang Pilipino.

Palayain si Ernesto Jude Rimando at si Rosita Taboy!
Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!
Karapatan ng mamamayan, ipaglaban!
Ipagtanggol ang karapatan sa sakop ng karagatan ng pilipinas!
Singilin at Panagutin ang Rehimeng US-Marcos!