Hustisya: Pahayag ng Suporta kay Rep. France Castro laban sa harassment sa kanya

,

SUPORTA PARA KAY TEACHER FRANCE CASTRO:
PANAWAGAN PARA SA KATARUNGAN AT KATOTOHANAN
Opisyal na pahayag ng Hustisya, organisasyon ng mga biktima at kaanak laban sa paglabag sa karapatang pantao

Sa panahong laganap ang kasinungalingan at panlilinlang, kinakailangang paalingawngawin ang boses ng katotohanan. Ngayon, malinaw na si Rep. France Castro, na nagsisiwalat ng katotohanan sa mga paglabag sa karapatan ng mamamayan, ay biktima ng isang makinarya ng panunupil na gumagamit ng batas bilang sandata ng paninira. Ang ethics complaint laban sa kanya ay hindi lamang pag-atake sa kanyang pagkatao — ito ay isang malinaw na mensahe na sinumang magsisiwalat ng katiwalian at lalaban para sa katarungan ay susubukang patahimikin.

Isang guro. Isang lingkod-bayan. Isang tagapagtanggol ng karapatan. Ito si Teacher France. Ngunit ngayon, ginagawa siyang target ng red-tagging, harassment, at gawa-gawang kaso. Ang kasong child abuse na matagal nang nakabinbin sa Court of Appeals ay muling binuhay, hindi para sa katarungan, kundi para gamitin laban sa kanya sa anyo ng ethics complaint.

Malinaw ang kwento sa likod ng kasong ito. Noong 2018, iniligtas ni Teacher France, kasama si Ka Satur Ocampo, ang mga batang Lumad na nasa bingit ng panganib. Sa harap ng banta ng Alamara paramilitary group na susunugin ang kanilang paaralan, tumugon sila Teacher France upang masiguro ang kaligtasan ng mga guro at kabataan. Ngunit sa halip na kilalanin ang malasakit na ito, binigyan ng maling interpretasyon ng hukuman ang insidente at ginawang “child abuse” ang isang gawaing makatao at makatarungan.

Ngunit sino nga ba ang tunay na nag-aabuso sa kabataan?

Hindi ito si Teacher France. Hindi ito si Ka Satur at ang mga guro. Ang tunay na umaabuso sa kabataan ay ang mga nagwawasak ng paaralan, nambobomba ng komunidad, at nagkakampo sa mga eskwelahan. Ang tunay na salarin ay ang mga nagpapalayas sa mga Lumad mula sa kanilang sariling lupa at ginagawang tagapagbantay ng interes ng mga minahan at plantasyon ang militar at paramilitar.

ANG TUNAY NA DAHILAN SA LIKOD NG PANUNUPIL

Ang ethics complaint na ito ay isang malinaw na paghihiganti laban kay Teacher France dahil sa kanyang matapang na paninindigan laban sa korapsyon. Isa siya sa mga pinaka-matatapang na boses na nanawagan ng transparency at pananagutan kaugnay ng P125 milyong confidential funds ng Office of the Vice President — pondong ginastos sa loob ng 19 na araw. Sinamahan niya ang Makabayan bloc sa pagsuporta sa impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.

Sa halip na sagutin ang mga lehitimong tanong tungkol sa pondo ng taumbayan, pinipilit na itago ang katotohanan at tumakas sa pananagutan ng kampo ni Duterte at ng NTF-ELCAC, sa pagharass kay Teacher France. Ginagamit nila ang red-tagging — ang paboritong kasangkapan ng panunupil. Ginagamit nila ang walang batayang kasong child abuse — isang kasong gawa-gawa at nakabinbin pa sa apela. Ngunit malinaw ang mensahe: Kung magsasalita ka, sisirain ka. Kung lalaban ka, tatakutin ka.

BAKIT DAPAT IPAGTANGGOL SI TEACHER FRANCE?

Hindi lamang ito laban ni Teacher France. Laban ito ng bawat guro, bawat tagapagtanggol ng karapatan, at bawat Pilipino na nais ng katarungan. Kung hayaan nating manaig ang panlilinlang na ito, sino pa ang matitira upang ipaglaban ang karapatan ng mga guro, kabataan, at komunidad ng Lumad?

Si Teacher France ay guro, at tulad ng lahat ng guro, siya ay gumagampan ng tungkulin para sa kinabukasan ng kabataan. Sa bawat pagtuturo, bawat hakbang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral, siya ay umaako ng pananagutan. Ngayon, siya ay pinarurusahan sa dahilang siya ay tumindig para sa kabataan, para sa mga Lumad, at para sa bawat isa sa atin.

Sa ganitong kalakaran, ano ang mensahe sa mga guro at tagapagtanggol ng karapatan? Na kapag tumindig ka para sa tama, gagawin kang target ng red-tagging? Na kapag tumulong ka sa mga kabataan, gagawin kang kriminal? Kung ito ang kanilang layunin, malinaw ang aming sagot: Hindi namin hahayaang magtagumpay kayo.

ANG PANAWAGAN NG HUSTISYA

IBASURA ANG ETHICS COMPLAINT LABAN KAY TEACHER FRANCE CASTRO! Walang puwang ang kasinungalingan at pampulitikang paghihiganti sa Kongreso. Hindi dapat gamitin ang ethics complaint para ipatupad ang personal na interes ng iilan.

ITIGIL ANG RED-TAGGING AT PANUNUPIL SA MGA GURO, TAGAPAGTANGGOL NG KARAPATAN, AT MGA AKTIBISTA! Ang red-tagging ay hindi naglilingkod sa publiko. Ito ay nagdudulot ng panganib at pumapatay ng mga inosenteng Pilipino.

ITIGIL ANG PANLILINLANG! Huwag gamitin ang kasong child abuse para sirain ang pagkatao ng isang guro at tagapagtanggol ng kabataan. Labanan natin ang kasinungalingan at pandarahas.

PANAGUTIN ANG NTF-ELCAC, MILITAR, AT KAMPO NG MGA DUTERTE! Sila ang tunay na nasa likod ng paninira at panunupil laban kay Teacher France. Panagutin ang mga tagapamuno ng NTF-ELCAC na nagkakalat ng kasinungalingan at nagdadala ng panganib sa buhay ng mga guro at tagapagtanggol ng karapatan.

ABOLISH NTF-ELCAC! Sa halip na solusyon, ang NTF-ELCAC ay naging kasangkapan ng panunupil at red-tagging laban sa mga progresibong lider. Dapat nang tuldukan ang paggamit ng pondo ng taumbayan upang siraan ang mga tagapagtanggol ng karapatan.