KARAPATAN sa ICC: Kumpirmahin ang mga sakdal laban kay Duterte, arestuhin ang mga kasabwat

Sa unang anibersaryo ng pagkakaaresto at detensyon ni Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), muling nanawagan ang KARAPATAN sa ICC na kumpirmahin ang mga sakdal laban kay Duterte at tumuloy sa paglilitis. Muli rin itong nanawagan na arestuhin na lahat ng mga kasabwat ni Duterte sa madugong gera kontra-droga para mapanagot na rin sila.

Isang taon matapos ang detensyon ni Duterte, nalampasan ng mga pamilya ng mga biktima ng gera kontra-droga ang ilang balakid na inilatag ng mga abugado ni Duterte. Sa sunud-sunod na mosyon, sinubukang kwestyunin ng mga abugado ni Duterte ang kakayahan ng mga mahistrado, ipadiskwalipika ang mga abugado ng mga biktima, ipagpaliban ang kumpirmasyon ng mga sakdal at ang mismong paglilitis dahil wala raw sa katinuan si Duterte at hilingin ang kanyang pansamantalang paglaya. Isa-isa ring ibinasura ng ICC Pre-trial at Appeals Chambers ang mga argumento ng kampong Duterte, at unti-unting umusad ang proseso tungo sa paglilitis.

“Bukod kay Duterte, nais din ng mga pamilya ng mga biktima na makulong ang kanyang mga kasabwat,” ani KARAPATAN deputy secretary general Atty. Maria Sol Taule. “Pinangalanan na ang mga ito sa isang parsyal na listahang inilabas ng ICC—ang mga dating hepe ng pulisya na sina Ronald “Bato” dela Rosa, Vicente Danao, Camilo Cascolan (patay na), Oscar Albayalde at Isidro Lapeña, dating justice secretary Vitaliano Aguirre II at Sen. Christopher “Bong” Go.

Dagdag ni Atty. Taule: “Dapat ding managot ang mga taong ito na aktwal na nagdisenyo, nagpatupad, nagpondo at nagpagana sa gera kontra-droga ni Duterte. Ito sina Eduardo Año, Hermogenes Esperon, Debold Sinas, Lito Patay, Romeo Caramat at ilampu pang mga pasista sa militar at kapulisan.”

Samantala, sinabi ni Atty. Taule na ang patuloy na pagtanggi ni Ferdinand Marcos Jr. na muling sumanib ang bansa sa ICC ay nagpapakita na siya mismo ay takot mapanagot para sa halos parehong mga krimen na hinaharap ni Duterte sa pandaigdigang organisasyon. “May command responsibility si Marcos Jr. para sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang, sapilitang pagkawala, tortyur at iba pang malalalang paglabag sa karapatang pantao at pandaigdigang makataong batas,” ani Atty. Taule. “Alam niya na balang araw, pwede niyang danasin ang dinaranas ngayon ni Duterte kapag maging bahagi muli ang bansa ng ICC, kaya magkakanlong na lang siya sa mga lokal na mekanismong inutil sa pagpapanagot kay Duterte.”

“Ang KARAPATAN ay naninindigan kasabay ng mga biktima ng gera kontra-droga ni Duterte at lahat ng iba pang biktima ng karahasan ng estado hanggang sa kasalukuyang rehimen sa kanilang nagpapatuloy na pakikibaka para sa katarungan at pananagutan,” pagtatapos ni Atty. Taule.