Pahayag ng KARAPATAN at Tanggol Bayi sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan 2026

,

Ang KARAPATAN at Tanggol Bayi, isang organisasyon ng kababaihang tagapagtanggol ng karapatang pantao, ay sumasaludo sa kababaihang nakikibaka sa okasyon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan 2026.

Ang paggunita ngayong taon ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ay nagpapatingkad ng napakaraming usaping bumabayo sa kababaihang Pilipino, laluna yaong mula sa masang anakpawis.

Nagaganap ito sa gitna ng mas mabigat na pasanin sa kabuhayang dulot ng panggegera ng imperyalistang US sa Middle East. Ang inaasahang pagsirit ng presyo ng langis na magiging sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at batayang serbisyo ay malaking bigwas sa maralita at panggitnang kababaihang Pilipino at mga pamilya nating ilang dekada nang binabayo ng mga ipinataw na neoliberal na patakarang tulad ng Value Added Tax. Dagdag sa mga pasaning ito ang mga nilantad na malawakang burukratikong korapsyon na nagkakait sa masang Pilipino ng pampublikong pondo na pwede sanang gamitin sa mga serbisyong panlipunan.

Habang nadidiin sa karalitaan kapwa ang kalalakihan at kababaihan, nagiging mas mabigat na pasanin ng kababaihan ang pag-angkop sa mababang kita, tumataas na presyo at kawalan ng mga serbisyong panlipunan dahil sa mga kalakarang patriarkal ng lipunan. Para makapag-ambag sa kita ng pamilya, ang kababaihang limitado ang rekurso ay karaniwang pumapasok sa trabahong nasa impormal na sektor na kadalasa’y panandalian, walang kasiguruhan at mababang magpasahod. Di hamak ding mas maraming kababaihan ang nasa hanay ng mga manggagawa sa pamilya na di pinapasahod, kung saan di kinikilala ang iniaambag nila sa ikabubuhay ng kanilang mga pamilya. Sa kanayunan, ang kababaihan sa agrikultura ay dumaranas ng kawalan ng lupa, mas kaunti ang karapatang mag-ari ng lupa at mas mababa ang tinatanggap na sahod para sa mabibigat na gawaing kanilang binabalikat sabay sa kalalakihan. Lumalaganap ang karalitaan sa kababaihan dahil sa mga pananaw at kaugaliang nagmamaliit sa papel ng kababaihan sa ekonomya at sumasagka sa kanilang buong partisipasyon dito.

Subalit ang kababaihang namumulat sa kanilang pagsasamantala, pang-aapi at pagsasaisantabi at nag-oorganisa ng kanilang hanay para kolektibong ipaglaban ang kanilang mga karapatan ay sistematikong sinusupil. Mayroong 135 kababaihang bilanggong pulitikal ngayon—mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatang pantao, tagapagtanggol ng kalikasan, tagapagtaguyod ng karapatan sa kasarian at iba pang tumututol sa kasamaan—dahil iginiit nila ang karapatan ng mamamayan at kasarian at nangahas sumuway sa mga limitasyong ipinapataw ng lipunang pyudal, pasista, patriarkal at pinaghaharian ng imperyalista, .

Sa Marso 9, tatangkain ni Ferdinand Marcos Jr. na ipagyabang sa United Nations Commission on the Status of Women ang diumano’y mga breyktru ng kanyang rehimen sa pagsusulong ng lakas ng kababaihan at pagkakapantay-pantay ng mga kasarian sa Pilipinas. Magsasalita siya tungkol sa mga hungkag na hakbangin ng kanyang rehimen para ibilang ang kababaihan sa “pag-unlad” at “pagbubuo ng kapayapaan” subalit sadya niyang hindi babanggitin na ang kanyang rehimen ay pursigidong ipagpatuloy ang mga patakarang nagpapahirap sa kababaihan, sumasagka sa kanilang pagtamasa ng tunay na kaunlaran at katarungan, at naghahasik ng dahas at pang-aatake sa kanilang mga demokratikong karapatan.

Ang diskurso ni Ferdinand Marcos Jr. sa UN Commission on the Status of Women ay mauuna sa kanyang diskurso sa UN General Assembly, na kapwa bahagi ng kampanya ng kanyang gubyerno na magpabango sa pamamagitan ng pagkuha ng non-permanent seat sa UN Security Council. Dahil magsisinungaling siya tungkol sa kalagayan ng kababaihan sa Pilipinas para maitaguyod ang pansariling interes, tungkulin ng kababaihang aktibista na pangunahan ang mga pagsisikap na ilantad ang kampanyang pagsisinungaling at panlilinlang ni Marcos at mga pagtatangka niyang linisin ang maruming ngalan ng mga Marcos sa internasyunal na komunidad.

Samantala, sa Pilipinas, ang mga lalaking kumakatawan sa pinakamasasahol na aspeto ng patriarkiya ay abala sa paghamak at pagtratong sex object sa kababaihan sa pamamagitan ng kanilang mga seksista at anti-kababaihang pananalita. Ang walang pangingiming pagsisinungaling ni Marcos at pagbibitiw ng anti-kababaihang pananalita ng mga lalaking ito sa kalagitnaan ng Buwan ng Kababaihan ay tanda kung gaano kalalim na ang tagos ng patriarkiya sa lipunang Pilipino at gaano kalaki ang pangangailangang bakahin ito ng kababaihang Pilipino.

Ipinagmamalaki namin sa KARAPATAN at Tanggol Bayi ang pagmartsa kasabay ng masang kababaihang Pilipinong nakikibaka, sa pagsusulong nila ng kilusang bayang naglalayong palayain ang buong bansa mula sa paghaharing imperyalista, pyudal na pagsasamantala at pasistang panunupil, at ilatag ang pundasyon para makapiglas ang kababaihan mula sa kadena ng pang-aapi at patriarkiya.